Confident na hinamon ng vlogger na si Jose Hallorina ang singer-actress at vlogger din na si Donnalyn Bartolome sa latest video (“Donnalyn, Bakit naging homeless ulit si Nanay Josie?”) nito na in-upload sa YouTube nitong August 9.
Aniya, nakatanggap daw s’ya ng demand letter mula sa aktres at sa abogado nito para i-take down ang video n’ya entitled “NASAAN SI JOSE HALLORINA?” na in-upload naman noong July 29. May bahagi kasi doon na tinalakay n’ya ang tungkol sa namatay na si Nanay Josie.
Si Nanay Josie ang ay isang matandang homeless at naka-wheel chair na nabuhay noon sa pamamalimos. Tinulungan ito ng vlogger na si Jose way back 2019. Namatay na ito August 8 last year sa makeshift house nito sa gilid ng isang kalye sa Quezon City, kung saan umano ito unang natagpuan ni Hallorina.
Ani Hallorina, napag-alaman niya noon na si Nanay Josie, na may anim na taon nang namamalimos, ay kamag-anak umano ng singer-actress na si Donnalyn Bartolome.
K’wento ng vlogger sa kanyang August 9, 2021 upload: “Si Nanay Josie po ang tinulungan namin noong 2019, two years ago, na naka-wheel chair at namamalimos sa Quezon City. Hindi po s’ya nakakalakad. Hindi po s’ya nakakakilos mag-isa, kailangan pa s’yang buhatin, at s’ya ay may malubhang sakit.”
“Sinabi n’ya sa amin na s’ya kapatid ng lola ni Donnalyn,” pagbabalik-tanaw pa ni Jose sa video. “So, at first, akala ko malayo, distant relative. Pero hindi.
“Dahil sinabi ni nanay na they’re close. Mama ang tawag ni Donnalyn sa kanya at tumira s’ya sa bahay mismo nila Donnalyn mahigit dalawang taon kaso pinalayas s’ya kaya s’ya naging homeless. So, the connection is there.”
Ani Jose, nakipag-meeting daw s’ya sa pamilya ng aktres noong December 2019 para mai-turn over si Nanay Josie dahil sila naman daw ang kamag-anak nito.
“Noong December 2019, nag-usap-usap kami ni Donnalyn at ng pamilya n’ya,” pagre-recall niya. “Nandu’n ’yong mommy n’ya [ni Donnalyn], tita n’ya, uncle n’ya at iba pa. Nandu’n rin si nanay, ako s’yempre, at mga abogado ko.
“Sa meeting na ’yon naki-usap ako nang maayos na sana tulungan nila si nanay at bigyan nang komportableng buhay dahil matanda na s’ya at may sakit pa. So basically, I turned her over back to her family.”
Nagkaroon din daw ng kasunduan between him and Donna na tanggalin na sa social media ang lahat ng may kinalaman kay Nanay Josie.
“Bago kami umalis, meron pa kaming pinirmahan ni Donnalyn na isang agreement,” k’wento pa n’ya at ipinakita ang papel na pirmado umano nilang dalawa.
“Nakasaad sa kasunduan na ito na idi-delete namin lahat ng posts, videos sa Facebook, YouTube, at iba pang social media platforms tungkol dito sa usaping ito at hindi na s’ya pag-uusapan kailanman. Dahil nga, nasisira daw ang reputasyon n’ya.”
Ikinagulat na lang daw n’ya noong August 2020 nang makatanggap s’ya ng email na nagsasabihing namatay na si Nanay Josie habang nasa tabing daan.
Ikinagalit daw n’ya ang kinahinatnan ng matanda kahit maayos naman daw itong nai-turn over sa pamilya ni Donnalyn.
“I was really disappointed with what I saw,” pagpapatuloy n’ya sa August 9, 2021 video. “I was so angry but I controlled my emotions nu’ng mga oras na ’yon.
“Nagalit ako dahil ginawa ko ang lahat para tulungan ang taong ’yon, nakiusap ako nang maayos sa pamilya n’ya na sana ay bigyan s’ya nang komportableng buhay dahil matanda na s’ya, e.
“Dinala ko pa ang dalawa kong abogado nu’ng kinausap ko ang pamilyang ’yon. Kaya laking gulat ko nu’ng nakita ko s’yang namatay bilang homeless, may sakit, she was in pain, nandu’n sa tabi ng kalsada.”
Tanong pa ni Jose, “Bakit s’ya namatay bilang homeless? ’Yon ’yong tanong ko, e. ’Yon ’yon, e. Bakit?
“Akala ko kasi okey na ang lahat nu’ng nag-usap-usap kami nu’ng pamilya n’ya. Pero obviously, hindi pala. S’yempre namatay s’yang homeless, e, ’di ba? Pandemic pa ‘yon.
“Kaya mahigit isang taon ho akong tumahimik about this. I kept quiet until now.”
At dahil nga sa paglalabas niya ng July 29 video, pinadalhan daw s’ya ng demand letter ng kampo ng aktres.
Depensa ni Jose sa August 9 video, si Donnalyn daw ang unang sumira sa kanilang kasunduhan. Naganap daw ito noong June 2021 nang sagutin ng singer-actress ang comment ng isang Netizen sa Facebook after niyang i-post sa social media ang bagong-bili nitong sasakyan.
“Noong June 2021, bago lang, a few weeks back, nagsalita si Donnalyn tungkol dito,” patuloy ni Jose. “Gumawa s’ya ng video sa kanyang YouTube channel na bumili s’ya ng kanyang pangatlong sports car.
“[Ang] yaman, ’di ba? Milyonarya,” tila sarkastikong bitaw niya. “Nag-post din s’ya sa kanyang Facebook page tungkol dito pero may nag-comment. Ang sabi ng nag-comment, ‘Ang yabang. Pero yong lola n’ya di nya matulungan.’”
Naka-flash din sa video ni Jose ang screenshot ng komento ng netizen at sagot ni Donnalyn dito.
Patuloy ni Jose: “Sagot naman ni Donnalyn: ‘[M]ag-ingat ka Mark. Pwede kita kasasuhan ng libel, pag ako tinopak ng malala talaga ikaw nalang kakasuhan ko kasi di ko nakasuhan yung isa dahil humingi sila ng sorry nung matanda kaya pumayag ako sa settlement agreement.’”
Kinontra naman ito ni Jose at ang sabi n’ya: “LOL. Hindi ho kami humingi ng sorry sa’yo, Donna. Nakalimutan mo? Nanay was asking an apology from you guys that you didn’t give.”
Ipinagpatuloy pa n’ya ang pagbabasa sa sagot ng aktres, “Sabi n’ya: ‘Why do you think dinelete yung video spreading fake news? Ikaw na lang kaya pakulong ko to serve as a lesson to people spreading fake news? I screenshotted your comment, your face, where you work. I can find you and I will put you in your place.’
“Ang yabang,” nai-usal ni Jose sa kanyang nabasa. “Now, I will put you [Donnalyn] in your place.”
Sa analysis ni Jose, dahil kumalat daw ang pahayag na ito ni Donnalyn sa iba’t ibang news outlets, nangangahulugan daw na ito ang unang sumira sa kanilang kasunduan.
“Ibig sabihin, Donnalyn breached our agreement. Nilabag n’ya ang agreement namin na ’to. Wala nang silbi ang agreement na ito dahil nagsalita na s’ya tungkol dito,” lahad n’ya sabay punit sa hawak na papel.
Buwelta pa n’ya sa singer-actress: “Sobra pa nga ’yong ginawa mo, e, dahil nagsinungaling ka. Kami nagmakaawa? Ako? Wala sa ugali ko ang magmakaawa sa mga taong gaya mo.
“Grabe ka. Patay na nga si nanay sinisiraan mo pa. Dinidiin mo pa lalo. Dinidikdik mo pa lalo para lang kuno sa reputasyon mo.
“Kaya ako wala akong pakialam sa reputasyon ko. The people will see it. Hindi po bobo ang ating mga manonood.”
Alam naman daw n’yang may naitulong din si Donnalyn sa matanda pero ang hindi daw niya mawari ay bakit naging homeless na naman ito hanggang sa dulo ng kanyang buhay.
“S’yempre Donnalyn, I acknowledged na meron ka ring naitulong sa kanya,” sey pa ni Jose. “Kasi nakita ko ’yong mga naibigay mo sa kanya two years ago doon sa bahay na nirentahan ko for her. ’Yon nga, bakit nagkaganu’n?
“Kaya Donnalyn, ito lang naman ang gusto kong itanong sa iyo, sa inyong lahat. Una, bakit namatay si Nanay Josie bilang homeless? Pangalawa, bakit s’ya bumalik bilang homeless? And these are valid questions coming from someone who once helped her at ako rin kasi ang nag-turn over sa kanya sa inyong lahat.”
Ani Jose, hindi rin raw s’ya natatakot kung idemanda man s’ya ng celebrity vlogger sa ginawa n’yang pagsasalita.
“Kaya itong demand letter mo, Donnalyn, sinasabihan mo akong i-delete ang last video ko? Dahil kung hindi ko ide-delete ’yon kakasuhan mo ako?” tanong ni Jose.
“Aba’y, make my day! Hindi ako natatakot sa’yo. Do it. Do it quick,” hamon n’ya. “Because I’m blessed to have great lawyers both here in Mindanao and in Manila who will represent me anywhere in the Philippines.
“Dahil sinimulan mo ulit ito at siniraan si nanay ako ang tatapos nito. Ituloy mo ang kaso ha. ‘Wag ka magdalawang-isip. Nakakahiya [kung hindi]. Alam na ng lahat ng tao.
“I will expose and reveal everything. Pati ’yong mga video interviews ko kay nanay na hindi ko naipalabas noon dahil sa agreement na yan,” saad pa n’ya.
“I will give her the justice that she deserves. And I promise to give you a good fight. This will be exciting. Excited na ako. Kaya Donnalyn, see you in court,” pagtatapos ni Jose sa kanyang August 9 upload.
Kinabukasan, August 10, di na nagpa-awat at muling nag-upload ng video si Jose. This time, ipinakita niya kung paano nag-krus ang landas nila ni Nanay Josie noong 2019 at kung paano niya nalamang kamag-anak ito ni Donnalyn.
Hanggang ngayon naman ay wala pang statement ang kampo ni Donnalyn hinggil sa mga inilahad ni Jose sa kanyang vlog.
Bukas ang pikapika.ph sa pahayag ng magkabilang panig.
YOU MAY ALSO LIKE:
Donnalyn Bartolome, ipinasilip ang bahay bago ito ibenta at iwanan
Donnalyn Bartolome, halos maubusan ng tili nang makatanggap ng birthday gift mula kay Lee Min-ho?
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
0 comentários :
Post a Comment