Fiancé ni Lian Paz na si John Cabahug, multi-awarded entrepreneur na; Lian, lucky charm daw niya

Ang fiancé ng dating actress at EB Babes member na si Lian Paz na si John Cabahug ay tumanggap ng apat na awards bago magtapos ang taong 2021—mga awards na hindi raw nila inaasahan at maituturing na blessing at reward sa patuloy na pagtataguyod nila ng kanilang negosyo, ang healthy drinks na VDrinks Malunggay Juice. 

Ayon kay John, na nasa Cloud 9 pa rin nang makausap namin sa telepono noong January 5: “Last year, ’yon ang positive side [ng pandemic] sa amin ni Lian. Kasi, hands-on kami sa business, hindi namin ine-expect na meron kaming tatlong national awards na makukuha. Iba-ibang category rin.” 

Tumanggap ng Achievement in Leadership and Entrepreneurship si John at Elite Award naman para sa VDrink bilang premiere malunggay-based juice drink brand mula sa 8th Elite Business Award.

Itinanghal naman na Best Premium Quality Wellness Lactating Malunggay Juice Drink brand ang VJuice ng Qasia Quality Excellence Award at ginawaran ng Star Brand award ng grupong Philippine Social Media Examiner. 

Sa tatlong events, dalawa lang daw ang personal na napuntahan nila. Nagkataon din daw na magkasunod ang dalawang date ng awarding noong December 2021 kaya mula sa Cebu ay lumipad sila papuntang Manila. Ginanap sa Sofitel Hotel at Okada Hotel ang magka-ibang awards nights na kanilang nadaluhan.

Nakatanggap na lang daw sila ng tawag ni Lian mula sa mga award-giving bodies na tatanggap nga ng parangal ang kanilang VDrinks Malunggay Juice. At sabi pa ni John, na aminadong hindi sanay sa mga ganitong events, mas nagulat daw siya sa personal award na natanggap mula sa Elite Business Award. 

“Hindi ko talaga in-expect ’yong personal award na binigay sa akin, ’yong leadership award. Talagang hindi ko ’yun in-expect,” tala namamangha pa ring saad niya sa amin. 

Tinanong daw niya ang mga nag-organisa kung bakit sila ang napiling bigyan ng rekognisyon among the many businesses sa buong bansa, dagdag pa ang mga nag-usbungan online last year. 

“Tinanong namin sila, ini-email namin. At ang sabi nila, during pandemic, do’n daw kami naging aggressive ni Lian,” pagbabahagi ni John sa naging palitan nila ng mga organizers. 

“That we’re still active and na-recognize nila ’yon. May survey/voting din daw. Na-nominate ’yong brand, nanalo. Pero during that voting, wala talaga kaming idea.”

Ani pa ni John, sobra-sobrang bonus daw ito sa kanilang pagpupursige at nagsisilbi ngayong inspirasyon para lalo nilang pag-igihan ang itinatag na negosyo.

“Masaya kami sa award ni Lian, kasi sa totoo lang ako naman, sa sarili ko, wala naman na akong ibang hangad, more on para sa mga bata. Pero sa business, ngayong na-recognize kami, sabi ko nga, added pressure kasi, hindi na kami underdog.  

“Parang ibang level ’to, we need to show them that we deserve this award.” 

Sa pagbabalik-tanaw ni John, masasabi raw na taong 2016 lang talaga nila sineryoso ni Lian ang pagma-manufacture at distribution ng VDrinks Malunggay Juice sa market. Marami pa rin daw silang pinag-aralan at pinagdaanan sa loob ng limang taong nagdaan. 

“Dahan-dahan lang ’yon, nag-push na talaga kami ng nationwide talaga noong 2019-2020, kaso biglang nagkaroon ng pandemic. Mahirap ’yong logistic at ’yong mga stores, maraming hindi open.

Gumawa kami ng ibang paraan at naging okey rin.” 

“Ngayon, dito sa Cebu, nasa mga stores na kami, pharmacies,” masayang pagbabalita niya. “Sa Lazada, sa LazMall nila, mahirap din makapasok, pero nakapasok naman.  Meron din tayong…bukod sa Malunggay, ’yung Tawa-Tawa Juice, meron din tayo for Dengue. 

“Sa nationwide naman, malakas din kami sa social media. Gusto rin namin ’yun kasi, mas nakakatulong kami sa mga distributors namin. Like ’yung mga mommies na nasa bahay lang, priorities din namin. Binibigyan namin sila ng malaking discount. Kaya sabi ko kay Lian, ‘’Wag mo munang i-priority ang mga stores kasi, okay rin ’yong mga mommies na agents, may kita rin sila. 

“At parang nagka-hope din ang mga mommies kahit nasa bahay lang sila. At s’yempre, pandemic, medyo ’di gano’n ’yong income gaya ng dati.” 

Si John ay nanggaling din talaga sa pamilya ng mga negosyante sa Cebu. Sila ang may-ari ng skin-care brand na SkinMate. Bukod dito, meron din silang pag-aaring resort sa Cebu, ang Enchanted Mountain. Nagkataon lang na ang talagang passion niya ay basketball. He used to play for the University of Visayas. 

Pero ang VDrinks Malunggay Juice daw ang talagang business nila ni Lian na sinimulan from scratch. Isang kaibigang doctor daw ang nagbigay sa kanya ng idea. 

“Nag-suggest siya na gumawa kami ng tawa-tawa drinks at moringa drinks para raw sa clinic niya. Sabi ng Papa ko, since medyo busy rin, sinabi niya na sige, gagawa ako, pero si John na lang ang hahawak ng production. At saka sinabi ko sa doctor kung p’wede akong gumawa ng sarili kong brand. Wala naman daw problema and the rest is history na.” 

Mula sa pagkuha ng business license hanggang sa makapasa sila sa FDA (Food and Drug administration), talagang inasikaso raw nila.  

At bukod sa income, ang talagang nagbibigay raw ng motivation sa kanila na magpatuloy ay ang napakaraming testimony ng mga users ng VDrinks lalo na nitong pandemic, kung paano nakatulong ito lalong higit sa mga naging COVID-19 positive na tao.

“Sabi namin ni Lian, kapag maganda ang feedback, tuloy natin ’to. E, talagang magaganda ’yong feedback, comments na natatanggap namin. Kasi, ang malunggay naman, considered talaga siyang miracle plant. Kaya para sa lahat talaga siya.” 

Dugtong pa niya: “Marami kaming natanggap na feedback na ngayong pandemic, naging immunity booster nila at the same time, naging replacement nila sa mga ibang drinks na iniinom nila.”

Kaya mixed emotions daw sila ngayong pandemic kung tutuusin. 

“’Yong pandemic time, mixed emotion. Nakakalungkot kasi may COVID pero at the same time naman, parang nakatulong kami. Like sa mga breastfeeding moms, isa sa comment na natatanggap namin, energized daw sila at hindi sila inaantok.  Nako-control nila ang weight nila at ’yon nga, mas marami ang milk production.” 

Ang SRP (suggested retail price) nila ay nasa P38.00 ang 130ml, P190.00 for 500ml, at ’yong middle bottle ay nasa P65.00.  

Samantala, siyam na taon na rin ang relasyon nina John at Lian at bukod sa anak ni John sa dating karelasyon at sa anak ni Lian sa estranged husband na si Paolo Contis, may isang anak na rin silang dalawa. 

At bukod sa pagiging hands-on sa kanilang pamilya, katuwang daw niyang talaga si Lian sa business nila. 

“Si Lian talaga ang parang everything sa situwasyon namin,” pagmamalaki ni John kay Lian. “Kapag pagod ako, pagod ang mga tao, siya ’yong ine-example ko. Kasi, nandiyan ang VDrinks, tapos ang mga bata, pero hindi ko inakala na grabeng hands-on si Lian. 

“Kaya noong in-accept ko ang awards, nag-thank you talaga ko sa kanya. Sabi ko, hindi ko akalain na makakasama kita sa ganito. She’s always there lang palagi. ’Yong charm niya every day, parang nakakapagbigay talaga ng ibang aura. 

“Kaming dalawa naman sa marketing, pero more on PR talaga si Lian. At ’yong confidence ko, ng mga tao namin, siya ang nagbibigay. Madiskarte rin sa marketing, sa sales. I think, si Lian nasa sales, kasi ang daddy niya, matagal sa sales kaya naia-apply niya rin ang diskarte ng daddy niya,” masayang pagtatapos ni John.

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber



Fiancé ni Lian Paz na si John Cabahug, multi-awarded entrepreneur na; Lian, lucky charm daw niya
Source: Pinoy Ako News

About admin

This is a short description in the author block about the author. You edit it by entering text in the "Biographical Info" field in the user admin panel.

0 comentários :

Post a Comment