Kinaaliwan daw ng mga kaibigan ni Dina Bonnevie na taga-alta sosyedad ang mga Inglisan sa teleseryeng The World Between Us (TWBU) ng GMA Network.
Nai-tsika ito ng veteran actress sa press kamakailan sa virtual media conference ng TWBU ngayong magkakaroon ng two-month season break ang primetime series na pinagbibidahan nina Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith.
Sa show kasi, gumaganap si Dina bilang si Rachel Libradilla, ang ina nina Brian [Tom Rodriguez] at Lia [Jasmine] at CEO ng isang kompanya. Kaya naman maraming English sa kanyang mga linya na patok daw sa kanyang mga amiga.
“Sabi nga nila ang daming English [dialogues] ng soap [opera]. But that’s what makes the soap interesting, e,” masayang pagbabahagi ni Ms.D.
“Kasi pati ’yong mga kaibigan kong [nasa] medyo alta sosyedad, you know, they watch the soap. Tapos sasabihin nila, ‘I didn’t know that you’re speaking a lot of English in the soap, D,’” pang-gagaya pa niya sa tono at delivery ng mga altang kakilala.
“Parang, ‘I’m gonna watch the next episode. What’s gonna happen na? Is he your anak?’
“’Di ba, kahit papano nakaka-relate sila kasi ’yong mga Inglesera nanonood. Meron naman tayong Yachie [ang mayordoma na role ni Jaclyn Jose] para sa mga Aling Tasing, ’di ba? So, may balance ’yong show.”
Natanong si Dina kung paano niya iniiba ang atake sa mga nanay role niya. Katatapos lang din kasi niya ng nanay role sa Anak ni Waray Vs. Anak ni Biday at eto at nanay na naman siya. Hindi raw ba paulit-ulit na?
“Sa anak ni Waray, si Suzi, actually feisty s’ya pero she lets her emotions the best of her. Parang palaging emotion ang inuuna n’ya,” pagre-recall at pagde-depensa ni Dina. “With regard to Rachel, objective s’ya. Kumbaga, feisty s’ya pero she doesn’t react as a mother…kung nasa office s’ya she reacts as a CEO, not as a mother.
“Parang ang tingin n’ya, ‘Boss ako dito.’ Boss din ’yong ano n’ya…kumbaga, may wall kasi, ‘Nasa office tayo. CEO ako. Ito ang decision ko,’” pagpapatuloy pa ng aktres.
Kung susuriin ay sobrang magkaiba pa rin daw talaga ang role n’ya na si Suzi noon sa character n’ya bilang Rachel ngayon. Even pag dating sa friendship.
“Ganu’n din sa relationship n’ya kay Yachie, magkaibigan sila pero hindi s’ya ganu’n ka emotional,” paliwanag pa ni Dina. “Unlike si Suzi noon sa Waray-Biday, sobrang sakit sa kanya na nasira ’yong friendship nila. Masyado s’yang kapit na kapit sa friendship na nu’ng nawala ’yong friendship, galit na galit s’ya na gusto n’yang maghiganti.
“In Rachel’s part, kaibigan n’ya si Yachie pero hindi s’ya kapit-tuko sa friendship. Parang, sabi nga nila, if you want to lose something hold on tight to it. Parang sabon ’yan, e. The stronger you hold on to it mas lalong dudulas sa kamay mo at mawawala.”
Dagdag pa n’ya, “So, even in her personality, ’di ba, parang…pinakita naman ’yong past ni Rachel, may pagkakasalang nagawa ’yong asawa n’ya pero hindi s’ya nag-hold on doon. Objective s’ya, e. Parang she let it go and then nagka-anak pa sila, which is si Lia.”
Matatawag din daw n’yang refreshing ang pagganap bilang Rachel na isang feisty woman and at the same time objective na office person.
“Refreshing in the sense na…hindi s’ya bitter, e,’ aniya. “Kumbaga, hindi n’ya kaano-ano si Loui [character ni Alden] pero inalagaan n’ya, binigyan n’ya ng bahay, pinaaral n’ya…lahat because parang she grew up as an orphan also.
“Hindi s’ya bittter about her past. Unlike sa Waray, parang karga-karga n’ya ’yong bagahe na ’yon. Bitter s’ya all her life. Ito, past n’ya hindi maganda pero nag-pay-it-forward s’ya, e.
“Kahit na, gaya n’yan, si Brian [character ni Tom] pinalaki n’ya pa rin, pinag-aral n’ya pa rin [kahit hindi n’ya tunay na anak]. Hindi s’ya bitter na tao so for me it’s refreshing.
“Kasi matagal na din akong hindi nakaka-play ng tipong career woman na, at the same time, a loving mother…parang it’s different,” pagtatapos ni Dina.
Dalawang buwan na mawawala pansamantala sa ere ang The World Between Us simula sa August 30 at babalik ito on air on November 15.
Ang cultural drama series na Legal Wives muna ang papalit sa slot ng TWBU habang mapapaaga naman ang rerun ng Endless Love nina Dingdong Dantes at Marian Rivera, na susundan ng Koreanovela’ng Penthouse.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
0 comentários :
Post a Comment