Ginulantang ng JaMill couple—Jayzam Manabat at Camille Trinidad—ang kanilang mga fans nang biglaan nilang i-delete ang kanilang YouTube Channel na nakarating sa kaalaman ng Netizens kahapon, August 19.
Isa sa mga naging haka-haka ng Netizens kung bakit nila nagawa ang said move ay para umano maka-iwas sa planong pagta-tax ng gubyerno sa mga kumikita sa YouTube.
“Pwede naman mag-stop sa vlogging ng walang pagdelete ng account. Sabihn nyo ayaw nyo na kasi… magkaka TAX na,” ani isang commenter voicing the same speculation as the others.
May nagsabi namang bumababa na raw kasi ang kanilang mga views kaya nag-exit nalang sila gracefully.
Pero para sa mga loyal followers na sumubaybay sa kanilang journey sa YouTube, masakit ang naging desisyon ng magkasintahan.
“Naniwala kami sa inyo na kahit maging matanda na kayo hinding hindi niyo kami iiwan. Masakit sa amin. Pero mahal namin kayo. Kaya support kami,” may halong hinagpis na saad ng isang commenter.
Sa pamamagitan naman ng kanilang Facebook account, dito ini-upload nina Jayzam at Camille ang pagpapaliwanag nila kung bakit nagdesisyon silang i-delete na ang YouTube account nila.
Nagulat daw kasi sila nang pag gising nila noong August 19, nagti-trending na silang dalawa. Kaya that same day ay minarapat nilang mag-video recording para ipaliwanag sa lahat kung bakit hindi na lumalabas ang JaMill vlog nila.
(Na dapat lang nilang ginawa dahil they owe their followers an explanation. That’s the decent thing to do!)
“Personal na decision namin ni Camille,” saad ni Jayzam sa Facebook.
“Ganito kasi…eto, completely honest, mga kaigan, one hundred percent [na] naisip namin, mamuhay na lang kami nang normal ni Camille. Gusto na namin nang gano’n, na simpleng buhay. Kagaya ng nangyayari sa amin dati, simple lang kami. Ganito lang kami. Ayaw na namin nang masyadong mataas, [na] maraming nakakakita sa amin, marangya.
“Ito, legit ’to ha, hindi ’to sa pagiging ungrateful…ito ang nararamdaman namin. Ito ang nararamdaman na namin. Gusto namin na kami na lang ang nakakakita sa relasyon namin, ’yung tamang drama na gano’n, tapos matulog kami.”
Base sa mga sumunod na pahayag ni Jayzam, mababasang tila ang kasintahang si Camille ang unang nakaramdam ng pagka-burnt out sa pagba-vlog. At dahil mahal ito ni Jayzam, kaya’t pumayag siya sa gusto nito.
“‘Sige na! Ayoko na! Gusto ko na lang ng simpleng buhay. Ayoko ng ganito. Parang ang relasyon natin umiikot na lang sa YouTube!’” ani Jayzam na ginaya pa ang boses ni Camille habang sinasambit ang naging pakiusap nito sa kanya.
Realizing her point, kumasa si Jayzam.
“Parang pinapatunayan namin sa isa’t-isa na wala kaming pakialam sa YouTube…na mahal namin ang isa’t-isa,” patuloy ni Jayzam habang nakikinig at tumatango-tango si Camille sa tabi niya.
“Ito ang punto ng talunan namin ha, na kahit mawala ang channel namin, kami pa rin. Nagmamahalan pa rin kami. Hindi dahil may YouTube kami kaya kami nandito.”
Noong gabi daw ng August 18 nga sila tila nagka-challenge-an na i-delete ang kanilang YouTube channel. At parang wala naman umanong nabago sa buhay nila kahit ginawa nila ang malaking hakbang na iyon.
“Kami pa rin. Magkasama pa rin. Magkayakap pa rin kaming natulog…”
Naramdaman lang daw nila ang epek nang mag-trending sila sa Twitter at Facebook kinabukasan.
“Nagising kami, pu@!3?$na, trending na kami sa Twitter, sa Facebook… na-hack daw kami. Nawala na ’yung channel namin. Marimar, my goodness! Iba-ibang istorya,” natatawang recall ni Jayzam.
“Hindi na nga kami nagsasalita, e,” sundot ni Camille. “Walang post-post na, ‘Ah, dinilete namin.’ Walang gano’n. Tapos ’yung mga tao….”
“Mababalik tuloy ’yung channel namin para i-upload ’to . Para maintindihan n’yong lahat. Marimar, ito ’yung saloobin namin.”
Indeed, gumawa nga sila ng panibagong YouTube Channel para ma-upload ang paliwanag nila na una nilang pinost sa Facebook. Ang nasabing sole entry sa new Channel ay meron ng 100K plus views.
Ani Jayzam, kinailangan nilang magpaliwagan para maka-iwas sa mga fake news.
“Kapag hindi naman kami nagsalita, ang daming mag-gagawa ng istorya na dahil ganito, dahil ganyan. So, deleted na nga, bubuhayin pa namin para i-upload ’to,” ani Jayzam.
Nakiusap naman si Jayzam na sana raw ay respetuhin din ang naging desisyon nila ni Camille lalo pa’t hindi naging madali ang proseso sa kanila. Hindi nga naman biro ang makalikom ng 12M subscribers.
“Mahirap, hindi madali,” pag-amin niya. “Sana irespeto n’yo rin ang desisyon namin, ’yung pagtatalo namin hindi madali.
“Honest na kami nito ha, kung ano ’yung nasa puso namin. Ang hirap ng nasa taas—legit. Hindi sa nagmamataas kami ha. Legit.”
Lumalabas din na ang pressure sa maintenance ng contents para sa channel ang isa sa dahilan kung bakit sila bumibitiw na para maka-pamuhay nang normal.
“Twelve million subscribers, ang hirap i-sustain ng channel na ’to na dalawang utak lang. Kaming dalawa lang. Hindi na namin alam ang gagawin namin,” paglalatag ni Jayzam ng saloobin. “Parang gusto lang naming mamuhay ng simple, pero may obligasyon kaming kailangang gawin, may kailangan kaming punan.”
Sila na rin ang nagsabi na alam daw nila na ang iniisip o sinasabi ng iba na kaya lang naman sila nagsasama pa rin ay dahil sa YouTube channel nila.
Kung matatandaan, naging maingay at nag-trending sila noong April ng taong ito dahil sa pinost ni Camille na nahuli niyang panloloko o pambabae raw ni Jayzam.
Simula nga noon, pinag-dududahan na sila ng Netizens. Ang akusa sa kanila ay nag-i-stick pa rin sa isa’t-isa dahil nanghihinayang sa kanilang YouTube channel at sa income nila rito.
“’Yung tingin ng ibang tao, nag-i-stick lang kami sa isa’t-isa dahil sa YouTube channel…may mga interview kami na pinagdaanan, tapos ’yun ang mga tanong, ‘Totoo ba ’yung relasyon n’yo?’ ‘Totoo ba yan?,’ ‘Totoo ba ’yang relasyon n’yo?’ Nakakainis!”
“Gano’n ba ’yung tingin sa amin ng nakararami?” patuloy ni Jayzam. “Dahil lang sa YouTube channel kaya kami nag-i-stay? Kaya lang kami nagmamahalan?”
Napa-throwback tuloy si Jayzam just to prove a point.
“Ang dami naming pinagdaanan noong wala pa ’tong channel na ’to. ’Yung tipong ihahatid ko siya sa bus, nakaupo na siya sa bus pauwi ng Nueva Ecija…sa sobrang mahal sa akin ni Camille, bababa pa yan ng bus, sasabihin, ‘hindi ko na kaya [umalis].’
“Kapag nahimasmasan na kami, ‘Sayang Babe, sayang ’yung bus, ang luwag-luwag. E, ’di maghihintay na naman kami ng panibagong bus dahil sa kalandiang taglay na meron kami noon. E, ’di ilang oras na naman maghihintay.”
Si Camille ay sa Nueva Ecija nakatira habang si Jayzam naman ay sa Binangonan, Rizal. Sa Cubao raw sila madalas magkita noon.
Sa same video pa rin, ini-update na rin nila ang mga followers at subscribers nila na permanente ng wala na ang YouTube account nila.
Pero may social media presence pa rin daw naman sila sa IG, TikTok, at Facebook.
“Mga lods, nabalitaan namin [sa YouTube] hindi na raw talaga mababalik. So, hindi na kami vlogger,” deklara ni Jayzam. “Taga-dampot na lang talaga ko full-time ng mga tae ng mga aso nito [Camille].
Bigla namang nanghinayang at nalungkot si Jayzam nang maalala ang mga videos na in-upload nila sa YouTube.
“Ay grabe, Babe, nalungkot ako bigla,” sabi niya kay Camille. “’Yung mga dating videos natin hindi na natin mapapanood kapag tumanda tayo.
“Sayang!
“Nalulungkot pala ’ko, kasi ’yung memories. Pero ’yung the fact na nai-alis namin sa pangalan namin na nag-i-stick lang kami dahil may YouTube, ang sarap sa pakiramdam na, ‘Tang—, sabi sa inyo, e.’ Gano’n ’yung pakiramdam.”
Sabi naman ni Camille, “Maraming tao ang makakaramdam no’n, lalo na ’yung mga totoong tao na nagmamahal sa atin.”
Wala raw dahilan para malungkot ang mga Mandirigma (tawag nila sa kanilang mga fans).
“Nasa Facebook naman kami, Instagram, nasa TikTok naman kami. E, ’di doon na lang tayo magkulitan.”
Sa huli, pinasalamatan nila ang YouTube for all the “good times.”
“Sa YouTube, maraming-maraming salamat sa memories, sa good times na binigay n’yo sa amin. Maraming-maraming salamat talaga. Hindi ’to sa nagiging ungrateful kami or ano…eto, e, one step level up para sa relasyon namin. Sa ikahe-healthy ng relasyon naming dalawa.
“Ayaw na talaga namin ’yong sinasabihan kaming nagsasama lang kami dahil sa YouTube.
“At sa paulit-ulit naming naririnig ‘yon, pumapasok na sa isip namin. Nagkakatanungan na kami…‘Dahil lang ba sa YouTube kaya tayo nandito? Lumalaban tayo sa relasyon namin dahil sa YouTube?’
“Gumawa na kami ng decision…siya pala, ‘Babe, deleted na ang channel, ha…without my consent,” tila birong-tutoo ni Jayzam.
Muli, nag-reiterate si Jayzam na sana ay respetuhin ng publiko ang kanilang mahirap na desisyon.
“Pinatutunayan namin sa video na ito na sana, i-respeto at igalang n’yo at sana maging masaya kayo para sa relasyon namin. Kasi, para sa ikahe-healthy at ikagaganda ng relasyon namin, pagmamahalan namin [ito],” saad ni Jayzam.
Na agad sinang-ayunan ni Camille dahil nang i-delete raw niya ang YouTube channel nila, naging magaan ang pakiramdam niya.
“Ang gaan ng pakiramdam ko, hindi ko alam kung bakit? Promise,” lahad ni Camille. “Dinilete ko siya dahil gusto ko lang din maramdaman na hindi ’yun ang kinakapitan nating dalawa.
“Tapos, napatunayan ko ’yun kagabi.”
Sa puntong iyon ng video, napaluha si Camille habang nagpapasalamat si Jayzam sa mga loyal viewers nila.
“Alam kong naiintindihan n’yo ko. Maraming-maraming salamat ulit sa inyo. ’Yun lang. Maraming-maraming salamat. ’Yun lang ang masasabi ko sa inyo. Binago n’yo ang buhay namin ni Camille and this time, kailangan na naming mag-focus sa relasyon namin dahil gusto talaga namin ng forever mga kaigan…legit. Gusto talaga namin ng forever.
“At kung isa ito sa step ng ikapo-forever ng relasyon namin, hindi kami magda-dalawang-isip, mga kaigan.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
0 comentários :
Post a Comment