In denial pa rin ang dating komedyante na si Allan Padua o mas kilala bilang si “Mura” nang makarating sa kanya ang balitang namayapa na noong August 31 ang kaibigan at dating ka-tandem na si Noeme Tesorero o si “Mahal.”
Sa vlog ng isang nagngangalang Virgelyncares 2.0 na in-upload sa YouTube kahapon, September 1, sinabi ni Mura na hindi s’ya makapaniwala na pumanaw na ang kanyang malapit na kaibigan.
(Virgelyncares 2.0 is the same vlogger na nag-feature kay Mura sa nag-trending nitong vlog kung saan ipinakita n’ya ang sitwasyon ng dating komedyante na paika-ikang nagsasaka sa kanilang bukid sa Bicol.)
“Hindi ako nakatulog masyado. Nabigla ako, e,” umiiyak na sabi n’ya nang kumustahin s’ya ng vlogger. “Hindi ako naniniwala hanggang ngayon. Hindi ako naniniwala na si Mahal patay na. Sabi ko, ‘Hindi naman ata totoo ’yan. Fake news naman ata ’yan, e.’”
Hindi daw kasi ito kakikitaan ng kahit na anong senyales o sintomas na may sakit nang dumalaw ito sa kanya just weeks ago.
“Kasi [noong] pumunta s’ya dito ang lakas-lakas pa n’ya, e,” lahad n’ya sa video. “Parang wala s’yang nararamdaman. Sobrang saya n’ya. Masayahin s’ya lagi. Parang wala naman sa kanyang nahahalata na may sakit s’ya.”
Hiling pa n’ya, kung sakaling hindi iki-cremate ang labi ni Mahal ay gusto n’ya sanang pumunta sa lamay nito.
“Sabi ko kung totoo man ’yan, sana makapunta ako sa [lamay] n’ya sakaling hindi s’ya i-cremate. Baka kasi bawal…makikibalita muna ako,” pagpapatuloy ni Mura.
“Masakit kasi. Ang tagal naming hindi nagkita. Tapos nagkita kami dito sa bahay ko. Isang araw lang tapos kinabukasan umuwi na sila ulit.
“Sabi pa nga [niya] nu’n [ngayong] September babalikan nila ako para kunin daw nila ako. Sabi ko naman, oo. Tapos binigyan pa nga nila ako ng pambili ng [aalagaang] baboy.”
Inalala rin n’ya ang tila pamamaalam ni Mahal sa kanya noong bumisita ito sa kanila. Na-capture pa sa video na sinabi ni Mahal na tutulungan s’ya nito kahit tumanda o kahit mawala na daw s’ya sa mundo.
“Doon sa last vlog namin, para bang ’yong sinabi n’ya sa akin, para bang namaalam s’ya sa akin,” pagbabalik-tanaw ni Mura.
Hindi daw n’ya malilimutan ang magagandang pinagsamahan nila ni Mahal lalo na ’yong mga concerts and shows nila sa ibang bansa.
“Nu’ng nagkasama kami sa ibang bansa, sa Japan, sa Amerika,” k’wento ni Mura sa vlog. “Nag-show kami sa Japan. Nag-concert. Kasama namin sina Aiza Seguerra…
“Sa Amerika [kasama pa namin si] Tito Dolphy. Magkasama na sila [ni Mahal sa kabilang buhay] kung totoo man [na wala na talaga si Mahal]. Sana nga hindi totoo, e.”
At muli s’yang naiyak nang magbigay s’ya ng mensahe ng pakikiramay para sa pamilyang naulila ni Mahal.
“Sa pamilya ni Mahal, lubos akong nakikiramay sa inyo,” umiiyak na sabi ni Mura. “Hindi ako makapaniwala na si Mahal wala na. Sana, kung sakali man na makapunta ako d’yan sa inyo, madamayan ko man lang kayo sa pagdadalamhati n’yo.
“Pasensya na kayo, malayo ako, e. Siguro kung malapit lang ako nandyan din ako karamay n’yo. Nakikiramay ako sa inyong lahat, family Tesorero,” pagtatapos n’ya.
Last August 31 nang binawian ng buhay ang comedienne-actress and vlogger na si Mahal at ang itinuturong dahilan noon ay ang kanyang Gastroenteritis at pagpopositibo sa COVID-19.
Nakikiramay ang pikapika.ph sa pamilya at mga kaibigan na naulila ni Mahal.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
0 comentários :
Post a Comment