Andrea Torres, hindi na “mambubulok”

Kahit na isa si Andrea Torres sa mga Kapuso stars na tumatanggap ng iba’t-ibang trabaho sa gitna ng hindi matapos-tapos na pandemic, aminado ito na nandoon pa rin daw talaga ang takot sa kanya kapag lumalabas siya ng bahay.

Sabi nga ni Andrea nang makausap namin sa pamamagitan ng Zoom, doble ingat daw siya pag nasa labas dahil ayaw niyang makapag-uwi ng virus.

At pag wala rin lang mabigat na dahilan para lumabas at talagang nasa bahay lang siya.

“Naku, ang dami kong naiisip na ganyan,” saad niya.

“Kasi ako ’yung sobrang praning talaga. S’yempre, meron akong tatlong high-risk [na kasama] sa bahay. ’Yung parents ko at ’yung kapatid ko na PWD (Person with Disability.)

“So, kung walang business sa labas, hindi ako lalabas.”

At dahil nga maraming oras sa bahay kapag tapos na ang mga lock-in tapings, napansin daw niyang ang dami niyang bagong nagagawa na hindi naman niya gawain noon.

“S’yempre ngayon mo napapansin ‘yung maliliit na bagay, ’di ba? ’Yung mga kailangang linisin, mga kailangang ayusin.”

Natatawang kuwento pa ni Andrea, “Dati kasi kilala ako sa bahay na mambubulok, lahat may sentimental value. Pero ngayon, parang natatanggal ko na ’yung mga bagay na parang feel ko, wala, naka-stock lang naman.”

Bukod sa pagle-let-go ng mga hindi na niya kailangan, hindi na rin umano siya pala-bili ng kung anu-anong bagay.

“Actually, ngayong pandemic, parang wala pa ’kong binili. Bag, wala. Dress, wala rin. Usually, after ko ng show, may reward ako sa sarili ko, pero ngayon, wala.

“Pero ang saya rin, siguro ’yung thinking na nagma-mature ka na rin. Parang bago ka gumawa ng isang bagay, pinag-iisipan mo na talaga.

“Dati kasi, minsan nasa taping ka pa, parang nag-o-online shopping ka na or parang kapag may nakita ka sa Instagram, bili agad, e. Then, after mo na lang mari-realize na dapat pala nag-wait muna ko nang konti.”

Habang nasa bahay, naging fashion designer na rin umano siya at plantita.

“Ang ginagawa ko ngayon na na-discover ko rin, ’yung mga plain ko pa lang damit, p’wede ko pala siyang tanggalan ng sleeves, igsian…ang dami palang p’wedeng gawin na fulfilling din.

“Well, hindi naman ikaw ang designer, pero dahil idea mo siya, feeling mo naka-design ka ng bagong outfit,” natatawang k’wento niya.

Kakahalungkat daw niya ng mga ire-repurpose na damit, nakahanap siya ng mga pirasong mula pa sa  Ka-Blog days pa niya. Ang Ka-Blog ay ang 2008 informative teen show ng GMA-7 kunsaan, isa siya sa hosts. 

“Siguro mga limang damit din ’yun na sabi ko talaga, ‘Hala, nakunan pa ko na suot ko ’to sa Ka-Blog, nandito pa.’  Sobrang ano talaga ko, sobrang tagal kong mag-let-go,” natatawa pa rin niyang pag-amin.

At kung may isa man daw talaga siyang nagawa ngayon na never niyang nagagawa dati, ito ay ang magtanim at mag-alaga ng halaman.

Kaya kasama raw siya sa mga naging ‘plantitas’ ngayong pandemic.

“Kasi dati ang feeling ko, parang ang laking responsibility na mag-alaga ng plant sa sobrang busy nga, feeling ko, hindi ko matututukan.

“Ngayon naman, parang ewan ko, parang iba ang vibes na nabibigay niya sa bahay.”

At dumating daw siya sa puntong kinakausap na rin ang mga halaman niya.

“Nakakatawa kasi darating ka pala sa point na kakausapin mo pala talaga,” natatawang muling pag-amin niya.

“E, kasi dati ’yung fig tree ko, ang lago-lago niya, parang biglang numinipis. Parang kakausapin mo talaga nang konti na, ‘Uy, bakit ka naman naglalagas? Dinidiligan naman kita, ah.’ Hahaha!”

Bukod dito, ikinatuwa rin daw niya na nakabalik din siya sa pagbabasa ng libro at pagsusulat.

“Mga High School ko na activity,” patuloy na k’wento niya. “Very important din sa akin ’yung at least, first 30 minutes na mag-isa lang ako. 

“Bago ako mag-kape. At saka si Tita Coney (Reyes) kasi, binigyan niya ako ng bible. Parang may devotional na rin.  So ’yun, dumating na rin ako sa point na parang  nagha-highlight ka na sa Bible, nagno-note ka na. 

“Dati kasi, kapag nakikita ko sa mga kaibigan ko, parang ako, ‘ano kaya ’yung sinusulat nila, ano ’yung hina-highlight nila? Parang paano kaya nila inaaral? So ’yun, natuwa ako, mas nagkaroon ako ng time rin sa sarili ko.”

Sa ngayon, napapanood si Andrea bilang isa sa tatlong asawa ni Dennis Trillo sa GMA Primetime series na Legal Wives.

Masaya raw siya sa mga natatanggap niyang feedback sa serye nila.

“Kinikilig ako!,” sey ni Andrea. “Kinikilig ako na na-appreciate nila. Iba ngayon kasi dati, every week kayo nagti-taping, so may time ka para mag-adjust [sa acting] kapag may nakita kang comment na hindi maganda.

“E, ngayon, canned na, so ’yung kaba, mas mataas, e. Kasi, wala ka nang magagawa, na-shoot ko na.  Pero ngayon, iba rin ang feeling kapag nakakabasa ka na parang naiyak sila sa eksena or pinagtatanggol nila ’yung character mo kasi, s’yempre ngayon si Diane [San Luis, her character], medyo lumalaban na rin, e.”

Dagdag pa niya:  “At saka ang saya rin na buong family, nanonood kayo together. Nakaka-miss din na magkakasabay kayong nanonood.”

Mas kinilig naman si Andrea nang tanungin namin kung ano ang susunod na proyekto niya sa Kapuso network.

“Hindi ko pa p’wedeng sabihin, pero iba siya. Sabi ko nga, itong year na ’to, parang ang dami kong na-experience na first time.

“Parang ’yung BetCin, first time ko na gano’n ang konsepto ng mini-series. First time ko na nakagawa ng gano’n at ito rin po, first time ko rin na parang ibang-iba ang environment na maibibigay sa akin.”

Ang BetCin naman ay ang mini-series na pinagtatambalan nilang dalawa ni Kylie Padilla na ipalalabas sa WeTV at iFlix.

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber



Andrea Torres, hindi na “mambubulok”
Source: Pinoy Ako News

About admin

This is a short description in the author block about the author. You edit it by entering text in the "Biographical Info" field in the user admin panel.

0 comentários :

Post a Comment