John Wayne Sace, finally sober matapos mabaril, makulong, at mag-attempt mang-holdap

“Hindi ako nawawalan ng pag-asa!” ito ang lahad ng aktor na si John Wayne Sace na nag-open up ng kanyang mga pinagdanaan sa kilalang talent manager/vlogger na si Ogie Diaz.

Nakilala si John Wayne bilang miyembro ng dance group na AnimE kasama sina Mhyco Aquino, Sergio Garcia, Emman Abeleda, Mico Aytona at magkapatid na Rayver at Rodjun Cruz. Regular silang napapanood noon sa ASAP, ang Sunday noontime show ng ABS-CBN, mula 2003-2005.

Tumagal ang kasikatan ng aktor hanggang 2015 hanggang sa tuluyan na siyang nawala sa sirkulasyon. Huli siyang napanood sa 2015 TV show na Move It: Clash of the Streetdancers sa TV5 at sa Vice Ganda-Coco Martin movie na Beauty and the Bestie.

Bakit nga ba nawala si John Wayne?

“Dahil sa mga isyu dati, mga nagawang pagkakamali sa buhay,” bungad ng aktor na edad 32 na ngayong taon sa sikat na vlog ni Ogie Diaz.

Taong 2016 ng magsimula ang kalbaryo sa buhay ni John Wayne at sa Batangas daw siya nanirahan sa loob ng tatlong taon.

“Taong-bahay ako kasi mag-isa lang akong nakatira ro’n.  Tapos ‘yung asawa ko at anak ko nasa States umuuwi lang sila isang beses sa isang taon at nag-stay lang sila for three weeks ganyan,” k’wento ng two-year sober ng aktor.

Disi-siyete palang pala ay may anak na ang aktor na itinago niya sa publiko dahil kasikatan pa niya noon. Kaya ngayon ay may teenager na daw siyang anak.

Oktubre ng taong 2016, nabaril ang dating aktor kasama ang kaibigang si Erik Sabino ng riding tandem sa Pasig City. Pinalad na nakaligtas ang aktor na tinamaan ng bala sa baywang; habang ang kanyang kasama ay dead on arrival sa Rizal Medical Center.

Sina John Wayne at kaibigang nabaril ay kapwa nasa watch list ng mga gumagamit ng illegal na droga, bagay na hindi naman itinanggi ng aktor.

In fact, ang dinanas na pamamaril ay hindi umano naging sapat para talikuran niya ang pagkalulong sa bisyo.

“Oo sobra!  Walang kasing lulong,” diin ni John Wayne.

At para matustusan ang bisyo, nagawa niya raw ang lahat ng pamamaraan ng isang adik na inisa-isa ni Ogie: nang-uumit, nagnanakaw, nangungutang, nagdi-dilihensya.

“Siguro lahat ng sinabi mo, parang dinanas ko na ‘yan,” pag-amin ni John Wayne. “Lahat-lahat dinaanan ko. Ang hindi lang siguro ’yung manakit ng kapwa. Siguro nang-umit ako sa mga lolo’t lola ko ng mga panahon na ‘yun. Pero para gumawa ka ng masama sa kapwa mo hindi ko kaya.”

At bagamat praning dahil “nagkakapatayan” na at nasampolan na nga siya, hindi pa rin daw nahinto si John Wayne. Ironically, sa droga pa rin umano siya nakaka-hugot ng lakas ng loob.

“Hindi mo kasi basta matitigil na gusto mong matigil kasi napa-praning ka? Kasi parang iyon pa ’yung nagbibigay sa ‘yo ng…Hindi ko na maipaliwanag kasi parang ayoko nang maalala? Parang trauma na lang ’yung nangyari sa akin,” paliwanang nito.

Maski rehab daw ay walang epekto sa kanya noon.

“Parang [sa isip ko], akala n’yo sa akin titino ako? Wala akong pakialam kung ano ang opinyon n’yo, anuman ang sabihin n’yo, anuman ang maging itsura ko o dating ko. I feel good. Parang ganu’n.” paglalarawan niya sa pakiramdam ng isang adik.

Ang realization ng mga pagkakamali ay bigla nalang umanong dumating sa kanya. At isa ang bunsong anak niyang babae sa dahilan sa biglaang pagka-mulat niya.

“Last year lang ako nakapagbirthday na normal ako…na ibig sabihin kahit alak wala. Saka itong birthday ko ngayong year na ’to,”  may pagmamalaking lahad ni John Wayne.

“Na-realize ko na ayaw kong dumating ’yung araw na pag malalaki na ’yung mga anak ko na babae madatnan nila ’yung tatay nila na ganito. Gusto ko naman na maging proud sila sa akin.”

Dagdag pa niya: “Tama na lang na ako na lang ‘yung nakaranas, ‘wag na sa mga anak ko. Sabi ko sa mga anak kong lalaki—kasi nagbibinata na sila— na ‘wag nilang gawin. Ako na lang ’yung gawin nilang example, wala talagang magandang idudulot [ang droga].”

KALABOSO

Samantala, naranasan din pala ni John Wayne na makulong. However, wala raw itong kinalaman sa droga, bagkus ay dahil sa away-pamilya.

“Nakulong ako ng five days lang dahil away pamilya lang naman, hindi droga,” patuloy na pagtatapat ng dating aktor.

Kahit limang araw lang ang itinagal sa “loob,” hindi raw biro ang pinagdaanan niya doon.

“First day ko [sa preso], buryong ang utak ko. Gigil ako sa sarili ko na parang bahala na kung ano’ng mangyari sa akin dito. Basta ‘wag n’yo lang akong sasaktan,” pag-alala niya sa mga naglalaro sa isip noon.

“Pagpasok ko do’n [sa preso], may mga inuutos sa ‘yo. Tapos doon ako natulog sa tabi ng toilet bowl. Na-experience ko ’yun!” patuloy na paglalarawan nito.

Hindi na raw niya alintana ang “panghi” dahil mas naging concern niya ang kaligtasan niya sa loob ng sa tantiya niya ay 15-square-meter na selda.

“Naka-hoodie ako na jacket so wala na akong pakialam sa mga ganu’n-ganu’n. Nakahiga naman ako. Pero siksikan kami…mga 26 kaming lahat sa ganitong laki,” pagmumuwestra niya.

“Ang naglalaro sa isip ko noon, na huwag silang matutulog dahil babawian ko sila…kasi pag sinaktan nila ako. Ang akin lang, puwede naman nila akong kausapin kasi nakikipag-usap naman ako, pero kung sasaktan n’yo ako dahil hindi ko kayo sinusunod. Hindi naman ako nagwawala tahimik lang naman ako.”

Napagtanto daw niya na sa buhay-preso daw pala, mawawalan ka talaga ng dignidad. Aniya, naranasan daw niyang paglaruan ng mga pulis mismo sa loob.

“Doon ko lang [naisip] na kapag nakakulong ka wala kang karapatan…” saad ni John Wayne.

“Pasensya na po doon sa ibang ka-pulisan, ha,” paglilinaw niya. “Sabi sa akin, ‘Kaya mong umiyak? Bigyan mo nga ako ng isang iyak.’ Pero hindi ko ginawa. Gusto ko ngang sabihin na, ‘Sir baka napapayatan kayo sa akin, gusto n’yo akong testingin [sa mano-mano]?

“Pero s’yempre yari ako [pag sinabi ko ’yon], baka sabihin binabastos ko sila. Sabi ko nalang, ‘Sa TV ko lang ho ginagawa ’yun [pag-iyak].”

Agosto 2020 daw nang mangyari ang limang araw na pagkaka-kulong niya. Nagka-ayos din umano sila ng kanyang kamag-anak kaya’t agad siyang lumaya.

HOLD-UP ATTEMPT

Kasali sa mga ipinagtapat ni John Wayne kay Ogie Diaz ang nakagugulat na katotohanang umabot siya sa puntong sinubukan niyang mang-holdap noong mga panahong lulong siya sa droga.

Pero gaya nang nauna na niyang binitiwan kay Ogie sa simula ng panayam, hindi umano niya pala kayang manakit ng kapwa. Hindi raw kinakaya ng kunsiyensya at nag-back out siya sa gitna ang akto.

“Muntik na akong mang-holdap dati, oo muntik na,” naiiling na pag-amin niya. “Nandiyan na ’yung babae…nag-iiyak lang. Totoo ’yun, umiyak. Naglulupasay! Kaka-suweldo lang niya no’n. Alam namin ’yung suwelduhan no’n.

“Sobrang tagal na panahon na ito, dalawa kaming lalaki, dalawa rin silang babae. Tapos, inakbayan na kasi ako tututok [ng patalim sa tagiliran]. Desperado na rin kasi ano noon sa buhay,” paglalarawan ng aktor.

Ang “parang bata” na paglulupasay umano ng kanyang hini-holdap ang gumising sa katinuan niya ng mga oras na ’yon.

“Pag-iyak niya sabi niya that time, ‘Para po ito sa nanay ko.’ Wala namang sinabing maysakit pero sinabing pera ng pamilya niya ’yun,” pagbabalik-tanaw ni John Wayne.

“Sa sinabi nitong para sa pamilya niya ang suweldo niya. Nakakapanginig! Hindi dahil nang-holdap ka kundi parang bumalik ’yung dating ako na, ‘Uy, ano ka ba?’ Hindi ako ’yun! Hindi ako ’yung taong ’yun. Hindi ’yun si John Wayne.

“Umiyak ‘yung babae na parang bata. Alam mo ’yung paa niya? Ganu’n! ‘Parang awa n’yo na po!’” lahad niya na may kasamang pagde-demonstrate ng paglulupasay ng kanyang supposed victim.

“Tapos ’yung kasama ko gigil,” patuloy niya. “Gusto nga niya sipain. Hanggang sa kami ’yung nag-away. Magsusuntukan kami nu’ng kasama ko kasi wala raw akong kuwentang kasama. Mapapahamak lang daw kami. Ganito, ganyan.

“E, sabi ko, ‘Pare, hindi ko kaya talaga. Hindi ako ’yun.’ kasi pag nagawa ko ’yun, feeling ko magsusunud-sunod,” pagta-tantiya niya.

Kumakabog umano ang dibdib niya habang nangyayari ang lahat. Mabuti na lang daw at hindi nagsisigaw ’yung babae para maka-tawag pansin. Sa isip niya, anything could go wrong dahil habang nag-iiiyak ang babae ay nag-a-away naman sila ng kasama niya.

Hanggang sa tinulungan na niyang tumayo ang babae sa pagkaka-salampak nito at sinubukan niya umanong magpaliwanag at humingi ng dispensa dito.

“Itinayo ko siya tapos sabi ko, ‘Ate, tama na. Wala naman akong kukunin sa’yo. Hanggang sa naglakad kami. Sabi ko, ‘Ate, dito na ako, ha. Wag kang sisigaw. Wala akong kukunin sa’yo. Pasensiya ka na. Sorry talaga. Hanggang sa tumawid na ako.

“Habang naglalakad kami humingi ako ng sorry. Sabi ko, ‘Ate, sorry. Hindi ko talaga gawain ito. Wala lang akong pera at hirap din ako sa buhay.’”

Dagdag pa niya, marahil daw ay hindi matatandaan ng nasabing babae ang kanyang mukha, pero siya raw ay makikilala pa rin niya ito sakaling makita niya ulit. At kung mangyari daw iyon ay baka raw bigyan niya ito ng bulaklak at hihingi siyang muli ng tawad dito.

Kung meron man daw naging magandang kinalabasan ng mga pinag-daanan niya, ’yon ay ang pagkakamabutihan na nila ng kanyang pamilya at mga kamag-anak. Mulat na umano ang mga mata niya at tuluyan na rin siyang sober.

Nagpasalamat din siya sa mga kaibigang umunawa at hindi tumalikod sa kanya, kabilang ang dating kasamahan sa AnimE na si Emman Abeleda.

Sa ngayon, ang tanging hiling ni John Wayne ay ang magkaroon siya ng trabaho.

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber



John Wayne Sace, finally sober matapos mabaril, makulong, at mag-attempt mang-holdap
Source: Pinoy Ako News

About admin

This is a short description in the author block about the author. You edit it by entering text in the "Biographical Info" field in the user admin panel.

0 comentários :

Post a Comment