Ikatlong taon na ng sitcom na Daddy’s Gurl, kunsaan si Vic Sotto ang tumatayong “daddy” ng programa on and off cam (bilang siya ang bida and producer).
At kung pagiging daddy lang din ang pag-uusapan, kilala si Bossing Vic—na bagama’t masasabing “unconventional” ang pagiging daddy—bilang isang ideal dad dahil nagampanan at nabibigyan niya ng equal attention at pagmamahal ang limang anak niya (mula sa apat na naka-relasyon).
[Although aminado siya na sa attention part ay medyo lumamang ang bunsong si Tali, anak niya sa asawang si Pauleen Luna, dahil ito ang talagang natutukan niya ang paglaki.]
Pawang mga achievers naman ang anak ni Bossing. Si Danica, ang panganay niya kay Dina Bonnevie, ay may successful marriage with basketeer Marc Pingris at kilala sa pagiging chef; si Oyo ay successful din ang marriage kay Kristine Hermosa at isa itong mahusay na aktor at negosyante; ang relatively newlywed na Paulina, na anak niya kay Angela Luz, ay kilalang golfer at pintor.
Pero ang talagang nasa limelight ngayon ay si Vico, anak niya kay Coney Reyes, na patuloy ang pagpapabilib sa publiko by being the good servant leader that he is.
Sa murang edad kasi nito na 32, naipakita nitong kayang pamunuan ang isang lungsod nang maayos at tapat, na kayang tanggalin ang bureaucracy ng pamamalakad, at kayang gastusan ang pinamumunuan ng walang kupit at transparent.
Kaya sa virtual media confence ng Daddy’s Gurl ngayon hapon, natanong namin si Bossing kung ano ba ang pakiramdam ng isang daddy na gaya sa pagkakaroon ng well-loved at most admired na anak na Mayor.
“E, kahit naman ako, naging member ng fans club niya,” nakangiting pahayag ni Bossing Vic.
“Proud. At alam ko naman na he will be doing…well, when he started to work in public service, noong una siyang magpaalam sa akin na tatakbo siyang konsehal [ng Pasig City]… konsehal pa lang, alam ko na nasa puso niya na magsilbi sa tao. ’Yung totoo ha, hindi dahil ‘I want to be in power.’ ‘I want to be a konsehal,’ ’yung gano’n. Lalo na noong nagsabi siya sa akin na he wants to run for Mayor.”
Aniya, bilib siya sa anak dahil natawid nito ang dinanas na challenges sa pagtakbo bilang mayor. At lalong bilib siya nang maupo na ito at manilbihan nang maayos.
“Hindi naman biro ’yung pinagdaanan niya, ‘yung tinahak niyang landas. He’s setting a very good example of what good governance is all about. Na p’wede kang magpatakbo ng gobyerno na hindi nangungurakot.
“Hindi kailangang maging corrupt,” litanya niya. “Mas masarap, mas maraming nakikinabang ngayon sa Pasig. Mas madali ang buhay.
“’Yung pagkuha lang ng permit, dati, kailangan susuot ka sa ilalim ng mesa, para may ‘under the table.’ Ngayon hindi na, online lang makakakuha ka ng permit.
“He’s very promising and he’s setting a very, very good example at sana tularan, lalo na ng ating mga kabataan na gustong maging lider ng ating bayan in the future.”
Aniya pa, napatunayan daw ni Vico na kaya palang ayusin ang gubyerno na sana raw ay tularan ng ibang lider.
“P’wede nating ayusin ‘to. Basta meron ka lang political will, kaya nating ayusin ang gobyerno.
“Kaya mabuhay. Mabuhay tayong mga Filipino.”
“Para ‘kong tatakbo,” natatawang sundot biro niya in a very Bossing Vic delivery.
Samantala, sa Sabado, October 23, ay ii-introduce na ang apat na bagong cast ng Daddy’s Gurl na sina Jem Manicad, Prince Clemente, Carlos San Juan, at Prince Carlos. Pero wala raw sa apat ang magiging future boyfriend ni Tracy (Maine Mendoza) ayon kay Direk Chris Martinez.
As per the time slot, basta’t tumutok nalang daw, biro ni Maine dahil paiba-iba nga sila ng time slot.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
Vic Sotto, member daw ng fans club ng anak na si Mayor Vico Sotto
Source: Pinoy Ako News
0 comentários :
Post a Comment