Madam Inutz, bet na bet si Ian Veneracion

Isang ganap na recording artist si Madam Inutz sa kanyang debut single na “Inutil,” na inspired ng kanyang viral real-life live selling experience sa YouTube kung saan sinasabihan niyang inutil ang mga nanonood lang at ginagawa siyang libangan pero deadma sa pagbili ng paninda niya. Pero in fairness, dahil maraming naaliw sa kanya, imbes na bumili ay nagpapadala nalang ng pera sa GCash niya.

Sa panayam kay Daisy Lopez (real name ni Madam Inutz) at sa kanyang manager na si Wilbert Tolentino ng Abante Radyo Tabloidista bago pumasok sa Pinoy Big Brother house ang una, napag-usapan ang tungkol sa kanyang singing talent.

“Actually, bago siya nagpa-handle sa akin bilang talent manager niya, tinanong ko muna kung ano ang pinaka-talent niya,” panimula ni Wilbert. “Doon lang ako humugot para i-groom si Madam Inutz. Deserve niyang tulungan, hindi lang siya nabigyan ng break.

“Matagal na siyang hindi kumakanta at need niya na ibalik iyon, kasi noong narinig ko ang boses niya noong kabataan niya, sobrang ganda.

‘Meron siyang unique raspy voice. Bagay sa kanya ang mga novelty, rap, hiphop, rock, lalong-lalo ang mga tunog-kalye. Bagay sa kanya ang mga estilo nila Sampaguita, Aegis o Up Dharma Down.”

At dahil nga may innate talent sa pagkanta kaya mabilis daw itong natutong umatake ng melody. Puring-puri din ni Wilbert ang willingness nitong matuto.

“Mabilis niyang natututo ang mga melody ng kanta at kaya niyang baguhin ang atake ayon sa kanyang style. Sobrang professional at walang reklamo sa oras. kahit inabot ng madaling araw sa pag shoot ng music video.”

At wagi naman ang pagpupuyat ni Madam dahil ang balik noon ay more than 1M views sa kanyang “Inutil” music video. Not bad nga naman for a complete music newbie.

“Sobrang priceless ang pagtanggap ng publiko sa single ni Madam Inutz. Puro positive ang feedback…not bad as a starter.

“Kaya na-motivate kaming gumawa ng Christmas song naman niya. ‘Sangkap ng Pasko’ ang title. Promise, iiyak kayo sa song na ito. Sobrang mata-touch ang mga Pinoy. Sobrang makaka-relate sila na ang sangkap o ingredient ng Pasko ay pagmamahal sa pamilya.”

Sa part ni Madam Inutz, na nasa loob na ng Bahay ni Kuya ngayon, tila hindi pa rin ito makapaniwala sa sunod-sunod na magandang pangyayari sa buhay niya matapos niyang maging viral sensation, Lalong-lalong hindi niya mapaniwalaang recording artista na siya ngayon.

Tumatak sa mga online viewers si Madam Inutz dahil sa mga birong pagmumura niya sa mga hindi bumibili sa mga paninda niya pero naka-tutok naman sa live selling niya. Pakay lang naman niya noon ay maka-benta para may pambili ng gamot ng nanay niyang may limang taon ng bedridden.

Tatanggi nga ba naman siya sa blessing na maging singer? Ang maganda pa kay Madam Inutz, hindi naghahangad ng more. Kung ano daw ang ibigay ng Itaas ay ipagpapasalamat na niya at hindi na hihingi ng more.

Nabanda rito ang usapan nang tanungin siya kung nangangarap ba siyang mag-ala female version ni Vice Ganda na galing din sa hirap tapos ay sumikat nang husto at ngayon ay milyonarya na.

“Kung ano po ang ipagkaloob ng Diyos sa akin,” sagot ni Madam Inutz. “Kung ano po ang kayang ibigay sa atin ng Itaas, hanggang doon lang po tayo. Masama po ’yong ano, masyadong mapaghangad. Kung ano po ’yong mga dumadating sa akin ngayon, na-aapreciate ko po. Nagpapasalamat ako.

“Na-a-amaze nga po ako, sabi ko, sa edad kong ito ngayon pa ako kumbaga nakilala, nakagawa ng pangalan na hindi ko naman pinangarap.”

Kung meron man daw siyang asam sa buhay ay ’yon ay magkaroon ng simpleng bahay na kanya talaga (na natupad na dahil niregaluhan na siya ng manager niyang si Wilbert nito bago siya pumasok sa PBB house); ang mapagtapos ang mga anak, at kung maaari daw ay maibalik ang dating sigla ng kanyang maysakit na ina. Hindi naman daw siya maluhong tao. Kaya’t ang tutok ng mga pangarap niya ay sa basic needs lang.

Sa katuwaan portion naman ng tsikahan, napag-usapan ang kanyang love life. Zero daw ngayon. Pero dahil si Madam Inutz na siya, hiling lang ng manager niyang si Wilbert na maging open sa kanya para hindi sila magkagulatan.

“Kasi baka mamaya, drug addict, alam mo ’yon. Sabi ko, ipa-MTRCB niya muna sa amin. Hahaha!”

Hindi daw kaya maging mitsa ng rivalry nila ni Wilbert, na isang former Mr. Gay World titlist, ang lalaki kung sakali?

“Actually, napag-usapan na naman naming ‘yan,” maagap na salo ni Wilbert. “Sabi ko, ‘Pag-awayan na natin ang lahat or mag-clash na tayo ng idea, huwag lang nating pag-awayan ang lalaki at pera.’ Kapag inagawan niya ako ng booking, charot! Hahaha!”

Sa mga taga-showbiz, sino ang pinaka-type ni Madam Inutz?

“Iyong yummy talaga? Siyempre si Ian Veneracion, hahaha!” without batting an eyelash niyang sagot.

Pero biro ni Wilbert, kanya na daw si Ian.

“Ay sorry! Kay Sir Wilbert nga pala iyon, hahaha! Kasi si Ian, guwapo pa rin siya, matipuno pa rin… doon mo talaga makikita ’yong tunay na sarap! Hahaha! Pero sige, magpapaubaya na ako, hahaha!,” lahad naman ni Madam Inutz habang humahagalpak ng tawa.

FOLLOW US ONLINE: 

Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz

Twitter: twitter.com/pikapikaph

Instagram: instagram.com/pikapikaph/

YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/

and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber



Madam Inutz, bet na bet si Ian Veneracion
Source: Pinoy Ako News

About admin

This is a short description in the author block about the author. You edit it by entering text in the "Biographical Info" field in the user admin panel.

0 comentários :

Post a Comment