Star-studded ang naging grand launch ng Hey Pretty Skin, ang beauty product line na off-shoot ng kanyang successful Hey Pretty Aesthetic Center. Ginanap ang launch sa Joselito’s Private Resort and Events Place sa Amadeo, Cavite nitong Lunes, December 20.
Ang comedian and podcaster na si Alex Calleja ang nagsilbing host ng engrandeng event. Nagkaroon din ng special song number ang “Madangang Dilag” singer-songwriter na JM Bales, at nagbigay-aliw naman sa mga attendees ang mga stand-up comics na sina Donita Nose at Petite.
Pero kung may pinaka nagningning that night, iyon ay ang founder and CEO ng Hey Pretty Aesthetics na si Anne Barretto na papasa din daw bilang isang beauty queen, ayon kay Miss Philippines Earth Fire 2021 Roni Meneses na special guest din sa naturang event.
And because of her beauty and celebrity aura, natanong ng entertainment press si Anne kung naisip din ba n’ya dati na pasukin ang showbiz.
“Ay hindi po. Kasi mahiyain po talaga ako sa camera,” natatawang sagot ng 31-year-old CEO. “Maski sa stage hindi po ako umaakyat. Mahiyain po talaga ako.
“Magaling lang po siguro ako sa pag-iisip ng business. Pero kapag haharap na po sa tao medyo shy-type po talaga ako. So, ’yong pagshu-showbiz wala po [sa isip ko].”
At bagama’t hindi naman pahuhuli sa ganda ng mga Barettos ng showbiz, hindi raw s’ya related sa mga ito.
“[I’m] not related po. ’Yong husband ko po ’yong Barretto,” aniya.
Ang speaking of business, masaya daw s’ya ngayong nagkaroon ng expansion ang kanyang business na kung dati ay mga beauty clinics, meron na s’ya ngayong beauty products in the form of the Hey Pretty Skin brand.
“Sobrang saya po kasi hindi ko lubos maisip na magkakaroon ako ng event na ganito. Hindi ko din po naisip na… Itong grand launching ko supposedly po dapat for staff lang. Parang iniisip ko, nag-i-start ako wala siguro akong distributor na mai-invite,” pagkukuwento sa press ng mommy-entrepreneur.
“Pero nu’ng malapit na, siguro one month or two weeks, nagulat ako. Ang dami-daming gustong pumasok sa Hey Pretty Skin para mag-distribute po ng products ko. Kaya itong event na ’to, which is dapat sa staff lang, sumobrang dami po talaga namin. Kaya sobrang saya ko po talaga.”
ONLINE RAKETERA NA NAGING MILYONARYA
Kamakailan lang ay na-feature sa Rated Korina show ni Korina Sanchez sa TV 5 ang success story ni Anne.
Pangatlo si Anne sa limang magkakapatid at aniya, sapat na sapat lang ang kita ng kanyang tatay sa mga pangangailangan nila. Nang magkasakit ito, doon na raw nila naranasang sumadsad at magdildil sa sardinas araw-araw. That’s when she vowed na: “ako ang magpapayaman sa amin.”
Dahil natural na kikay at mahilig magpaganda gamit ang mga mumurahing pampaganda noon, nag-self-study siyang mag-makeup at ginawa itong raket sa mga kaklaseng a-attend ng special events.
Sa pa-P200 to P300 na bayad sa kanya, naka-ipon siya ng pampuhunan sa online selling ng mga ina-angkat na produkto—shoes, bags, skin-care products, beauty products. From there, nakapag-formal studies siya para maging ganap na aesthetician habang unti-unting inaaral ang mundong iyon.
Until three years ago, naipatayo niya ang kauna-unahan niyang beauty clinic sa Tomas Morato, Quezon City na tinawag niyang Hey Pretty Aesthetic Center. Fast forward to today, meron na itong 16 branches sa iba’t ibang parte ng Luzon.
Pero hindi rin daw naging madali sa kanya ang lahat dahil nag-umpisa daw talaga s’ya sa scratch at naapektuhan din pansamantala ng pandemya ang negosyo n’ya.
“Hindi talaga ako lumaki sa well-off na family. Nu’ng na-experience ko ’yong kumikita ako ng sarili ko talaga, talagang binibili ko lahat ng gusto ko. So, no’ng nag-strike ’yong pandemic, nagulat ako kasi hindi ako ready,” pagre-recall pa ni Anne.
Dito daw n’ya natutunan ang importansya ng pagiging masinop sa paghawak ng pera.
“Doon ko nakita na, ‘Ay hindi pala p’wedeng ganu’n na porket may pera ka gastos ka nang gastos.’ Kasi darating ’yong mga pagkakataon na p’wede kang magkasakit o ’yong pandemic na ’to na hindi ka ready,” lahad n’ya.
“Buti na lang itong business na pinasok ko, ito po talaga ’yong passion ko. Kaya sabi ko hindi ko ito bibitawan. Anuman ang mangyari, gagawa ako ng paraan, hahanap ako ng ibang paraan para mas lalo ko pa po s’yang mapalaki.”
Imbes na magsara, ang paraang naisip niya ay ang gawing mobile ang clinic siya. Sa ganoong paraan, nase-serbisyuhan pa rin nila ang kanilang mga kliyente sa kanilang mga bahay—and it clicked!
Aniya, naisip niya ito dahil na rin sa pag-aalala sa kabuhayan ng kanyang mga empleyado. At imbes nga na masalanta ay lalo pa silang umulad at naka-dagdag pa ng branches during the pandemic.
“Hindi naman po ako pinabayaan ni God. Talagang lagi po S’yang nasa akin. Siguro dahil ang goal ko din po is maka-help din sa iba. Kaya wala po kahit isang branch ko na nagsarado kaya sobrang happy ko.”
During the pandemic rin daw ipinanganak ang kanyang Hey Pretty Skin product line na nauna na niyang in-introduce sa kanyang patuloy na online selling at sa mga branches ng kanyang clinic. At dahil sa positibong feedback at consistent orders/reorders, naisipan niyang bigyan na ito ng isang matinding product launch. Her products—na gawang Pinas exclusively for Hey Pretty— include micro peeling soap bars, sunscreen, toner, night cream, ang nausong snail soap, at kung anu-ano pang may kinalaman sa pagpapaganda at pag-aalaga ng balat.
FUTURE PLANS
May patikim pa si Anne sa mga tina-target ng team n’ya sa susunod na taon.
“Sa 2022, next year po, may ilalabas akong another product po, ’yong another set po ng Hey Pretty Skin, ’yong mga lotion. Mga ganu’n,” paghahabagi n’ya.
At hindi lang ’yon dahil pangarap din daw n’yang i-expand ang kanyang brand by putting up more clinics in Visayas and Mindanao.
“Next year, ang goal naman po ay magtayo naman sa Davao, Zamboanga, Cebu. Magtatayo po ako,” excited na pahayag n’ya.
“Kung anong reason po? Kasi ’yong mga distributors ko po gusto ko naaabot ko sila. Siguro isang strategy din po ’yong mga distributors ko ginagawa ko po sa kanila, since nag-trust sila sa akin, ’yong products ginagamit nila, dini-distribute nila, in return, ang ginagawa ko naman po lahat sila sponsor ko ng clinic ko. Ganu’n po ang ginagawa ko.
“Sa mga province po ganu’n din ang gagawin ko. Sa Cebu, sa Davao, ’yong mga magiging distributor ko du’n, sponsor ko sila ng clinic ko.”
Paraan n’ya daw ’yon para naman ibalik sa mga ito ang tiwalang ibinigay daw sa kanya at sa kanyang produkto.
“’Yong support nila sa akin, sinasabi ko…Kasi ako po talaga [nasa] clinic ako, wala akong idea sa ganito, ’yong mga distributor ko ang nagga-guide [sa akin],” pagbabahagi pa rin ni Anne sa press.
“Sabi nila, ‘Ma’am, okey lang ’yan. Start ka lang talaga sa umpisa.’ Then sinu-support po talaga nila ako kaya lalo akong nai-inspire na kung ’yong trust nila sa akin kahit bago pa lang ako mas lalo ko pang gagalingan. Lalo na po sa marketing.
“Tinatanong ko rin sila since ako ay baguhan pa lang, ‘Tulungan n’yo ako. Paano ako mag-i-start?’ Kaya todo din po ’yong support nila sa akin lalo na sa marketing, sa pagpapaganda ng product, sa pagpapa-enhance pa. Talagang nakatulong din sila sa akin para mas lalo pa pong pagandahin, mas lalo pa pong palakihin talaga.”
At talagang hands-on daw s’ya sa kanyang business dahil alam n’yang marami ang umaasa sa kanya—ang kanyang mga empleyado at kanyang mga distributors.
That night nga ay namigay pa s’ya ng mga motorcycles para sa kanyang mga distributors.
“Gusto ko po mas makatulong pa lalo na du’n sa mga distributors ko. S’yempre po, ngayon po kasi ang dami kong staff na talagang nakasandal sa akin. Kailangan ko talagang magpakatatag pa. Siguro, [pangarap ko na] mas lalo pang lumaki [’yong business],” sey pa ni Anne.
At talagang unstoppable ang inspiring Pinay na ito dahil gusto ring pasukin ang international market.
“Sa Luzon po halos nakumpleto ko na ang regional distributors na mga malalaki… Then ngayon maraming inquiries na papasok [galing] international. Siguro po, hopefully, by next year pa talaga, mas lalo pa pong lumaki, magkaroon pa po ako ng mga international distributors po,” hiling n’ya.
Sa dami ng kanyang ginagawa, paano naman kaya n’ya nababalanse ang kanyang oras sa negosyo at sa kanyang pamilya?
“Nu’ng umpisa sobrang hirap po talaga kasi s’yempre ang dami kong staff. More than 100 na po ang staff [kahit noong] wala pa itong Hey Pretty Skin. Kaya sobrang hirap po talaga,” pag-amin ni Anne.
“Pero nu’ng nagkaroon ng pandemic nagkaroon kami ng bonding lalo. Kaya nu’ng dumating na po ’yong Hey Pretty Skin po parang na-manage ko na,” dagdag pa ng young CEO.
“Kailangan talaga maging matimbang. Ngayon talaga, though binibigay ko halos kalahati ng time ko sa business ko pero binibigyan ko pa rin ng time ’yong family ko po.”
PAYAMAN TIPS
Kung may pinakamahalaga daw na natutunan si Anne sa pagnenegosyo, ito raw ay ang pag-iipon because nothing is permanent in the business world.
“Siguro po, bilang nagbi-business, walang permanente. At saka dapat talaga mag-ipon,” sabi n’ya. “Kasi lalo na nu’ng nag-strike ang pandemic, talagang maski ako, kasagsagan ng business ko, kalakasan, nagulat ako, e. ‘Bakit may ganito?’
“Sa mga kagaya ko na maliit pa lang, walang permanente. Kailangan habang nagbi-business ka talaga nag-iipon ka. Nagsi-save ka para sa future. Para kung anuman ang mangyari ready ka.
“Then, about naman po sa business siguro, hanapin lang po nila ’yong passion nila. Kapag nahanap nila ’yong passion nila i-pursue nila. ’Yon po ang lagi kong sinasabi sa kanila. Then, ’wag lang nila susukuan ang mga pangarap nila,” pagdidiin n’ya.
“’Wag n’yo sukuan ’yong dream n’yo. Kasi kung nagawa ko from the start, s’yempre, magagawa din po nila. Kung ano ’yong passion mo talaga, gawin mo lang. Mahalin mo kung ano talaga ’yong gusto mo. Then I’m sure na magiging successful ka afterwards.”
Bilang pagtatapos, Anne summarizes her success story into three key words: PPP—“panalangin, pagsusumikap, at pagtitiwala sa sarili.”
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
Anne Barretto: An inspiring rags-to-CEO story
Source: Pinoy Ako News
0 comentários :
Post a Comment