Malalapit na magkakaibigan ang mag-sweetheart na sina Khalil Ramos at Gabbi Garcia at ang actor na si Dominic Roque. Kabilang sila sa malaking grupo ng showbiz tropahan kung saan nandoon din sina KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla), Marco Gumabao, Ria Atayde, and couple Patrick Sugui and Aeriel Garcia.
Sa Spotify podcast nina Khalil at Gabbi na may titulong “Figure It Out,” masasabing unang nagpa-unlak ng interview si Dominic simula nang isa-publiko na nila ang relasyon nila ni Bea Alonzo.
“Okay naman ako, doing good actually,” masayang bungad ni Dominic nang kumustahin ng Kapuso couple. “Sa work, sa life at sa love.”
Ayon kay Gabbi, masayang-masaya raw sila ni Khalil para sa kaibigan, lalo na raw nang mapanood nila ang vlog ni Bea Alonzo sa recent trip nila sa U.S. of A.
Twenty-six days din palang nagbakasyon sina Dominic at Bea doon.
“Sobrang saya at nakakapagod din siya kasi, iba ’yong journey na ginawa namin,” kwento niya. “Ang daming pinuntahan, ang daming na-experience. Pero ang maganda do’n, kasi you get to know pa ‘yung mga ugali namin sa sarili namin.
“Enjoy at mas pinapatibay.”
Hindi naiwasan ni Gabbi na iparamdam kay Dominic ang pagka-inggit dahil nakapag-travel ito. Siya rin daw kasi ay “kating-kati” nang makapag-travel muli.
Kaya tinanong niya ito kung ano ang mga naging discoveries nito sa sarili sa recent travel niya.
“Ako siguro sa sarili ko, kasi ito ’yung first time na nakapag-travel ako with someone…”
Pinutol siya nang natatawang mag-sweetheart hosts dahil bakit daw hindi mabanggit ni Dominic ang pangalan ng girlfriend na si Bea gayung alam naman na daw ng publiko.
Tila hindi kasi talaga sanay na magkuwento ng kanyang personal na buhay ang binata.
“Hindi… maraming may alam, pero ito ang time na nakapag-out kami. Hindi mo na iniisip ’yung mga galaw mo, sasabihin…’yung masarap ang feeling,” esplika naman ni Dominic.
“Right moment. ’Yun nga ang palagi kong sinasabi, lahat ng ginagawa ko sa buhay ko ay in God’s perfect time.
“So, siguro, ito lang din ang ibinigay na time sa amin para lumabas kami together, ’di ba? So, very thankful na ginuide kami ni Lord sa journey namin together.”
Nilinaw naman ni Dominic na hindi naman daw talaga nila sinikreto ni Bea ang relasyon nila at hindi rin daw nila plinano na magiging open na sila habang nasa U.S. sila. Naging natural lang daw ang daloy ng mga pangyayari at natuwa raw silang dalawa sa pag-embrace sa kanila ng publiko.
“So, mabalik do’n sa ugali na na-discover ko,” balik-topic ni Dominic. “Siguro hindi na lang ako sanay na maging open to everyone.”
“Close friends ko lang naman talaga ang may alam ng past relationship ko at kayo, saksi rin kayo sa past relationship ko. Ibang journey naman ’yun, pero happy naman.
“Pero ngayon, mas ano ’ko, s’yempre mas masaya. I can see our future together. ’Yun ’yon, di ba?”
Hindi naman napigilan ni Gabbi’ng kiligin sa sinabi ni Dominic.
Pagpapatuloy ni Dominic: “Siguro ito na rin ’yung nasa tamang edad na ko to be like this.”
According kay Dominic, nagdadalawang-isip pa raw sila ni Bea noong una kung tutuloy pa sa Amerika dahil nga nananatiling threat for everyone ang COVID-19.
“Actually, hesitant kami at first to travel kasi nga ang daming nangyayari sa mundo,” saad niya.
“Pero ’yung news naman that time, before leaving, okey naman, okey naman ding nag-travel ’yung ibang kaibigan to the U.S.
“When we got there, doble, triple ingat na lang kami sa labas. S’yempre, nagpe-face mask pa rin kami sa mga indoor areas. Kapag nasa labas naman kami, naka-face mask pa rin. S’yempre tinatanggal namin, ayaw lang namin ng mga crowded places na walang face mask kasi nga, nakakatakot.”
Ang problema lang daw talaga do’n, ’yung mga locals ang hindi nagpe-face mask.
“Suwerte lang namin na noong nandoon kami, okey pa. Tapos pagdating sa San Francisco or middle of our trip, do’n na ’yung sa news. Nakita ko na nagkakaroon na ng surge. ’Yung Delta [variant]… meron pa ngang Delta variants plus.
“So, sabi ko na lang kay Bea, ‘Hon, kailangan pa rin talaga nating mag-ingat nang todo.’ Kasi nga nakakatakot. Nakaka-praning! When you go out, pag balik mo ng hotel, inaano mo ang sarili mo, okay pa ba ang hininga ko?,” natawa niyang k’wento.
Sa naging podcast interview niya, inilahad ni Dominic na 17 years old palang daw siya ay nagta-trabaho na siya. Marami na rin daw siyang ginawang trabaho. Ngayon, meron daw siyang kumpanya na may kinalaman sa digital at social media management.
‘Yung pagmo-motor daw niya ay ginagawa na lang niyang hobby at hindi na talaga pang-professional na karera. Pero ayon dito, hindi na raw mawawala sa kanya ang hilig na ito lalo pa’t kabilang pa rin siya sa grupong kung tawagin ay “Euromonkeys.” Kasama niya sa grupong ito ang mga motorbike enthusiasts ding sina Kim Atienza at Dingdong Dantes. Nakapag-Euro trip na sila noong 2018.
“’Yung journey ko sa pagmo-motor, hindi na ’yun mawawala sa sarili ko. Kumbaga, ’yun na nga ang passion ko. ‘Yun ang common na ano namin ng mga friends ko.”
“Ine-enjoy ko kung ano ang kinikita ko,” pagtatapat niya. “Kasi, hindi mo alam—well, hindi ko alam kung tama ba ang paniniwala ko or iniisip ko—na you’ll never know kung kailan ka kukuhanin ni Lord.
“And ine-enjoy ko kung ano ang kinikita ko, so, travel na lang ako. Ang sa akin kasi that time, ’yung experience ang mahirap tumbasan, e. Priceless, kumbaga.
“’Yung material stuff kaya mong bilhin, pero ’yung mga experience, kailan mo gagawin? Parang gano’n at saka kikitain mo rin naman, ’di ba? So, do’n ko ginagastos ang mga kinikita ko. Ipon ako, sige, sama ko, travel.
“Enjoy lang kayo, ride ka lang, tapos enjoy mo ’yung nakikita mo, that’s it.”
At dahil p’wede namang pagsabayin ang travelling abroad at pagmo-motor, haya noong ginawa nilang Euro Tour, may plano na raw sila ni Bea na aangkas ito sa future moto-tour ng grupo nila.
“Actually, naisip namin ni Bea na p’wede ko siyang i-angkas. Kasi, no’ng 2019, ’yung isang euromonkey, kasama niya ’yung wife niya, naka-angkas sa kanya. The whole trip, naka-angkas siya—Barcelona to Rome.”
Aniya, nai-angkas naman na daw niya si Bea sa kanyang motorbike. May twist nga lang.
“Adventurous din siya. Nai-angkas ko na siya sa motor, pero matatakutin lang ’yun. Sigaw nang sigaw. Pagkatapos namin, ang dami kong kalmot dito. Pero game raw siya…game raw siyang mag-ride muna dito sa Pilipinas.”
Sa podcast, ibinuko na rin ng Kapuso couple na sina Khalil at Gabbi na sa Japan daw nagsimula ang journey of love nina Dominic at Bea.
Nagkikita-kita raw sila sa Japan noong late 2019. Nauna sina Khalil at Gabbi habang si Dominic, wala naman talagang plano, pero biglang nag-text kay Khalil na pupunta siya.
Kuwento ni Dominic sa listeners: “Actually, in-invite nila kong pumunta. So, ‘Pupunta ba ’ko?’ Ang daming kaibigang nandoon.
“Nagka-usap kami ni Bea na dapat pupunta kami ng Zambales with Marc Nicdao. Sabi ni Mark, ‘Dom, punta tayo ng Zambales. Invite mo sila Bey kung gustong pumunta.’ So, I messaged Bea, sabi ko, ‘Hon—ay wala pa palang Hon no’n.” natatawang pagtatama niya sa sinabi.
“So, sabi ko, ‘Bey, baka gusto mong sumama, nagyaya si Mark na mag-Zambales.’ Sabi niya, ‘Ay sayang, pupunta kami ng Japan.’ Sabi ko, ‘Sama ko!’ Sabi niya, ‘Tara!’ Sa isip ko, ‘Sasama ba ’ko?”
Singit ni Gabbi sobrang saya raw nilang grupo sa trip na ’yun.
“Enjoy, ’di ba? Andon si Ate Nina (Ferrer, Bea’s handler). Kami, wala naman kaming plano din. ‘Sige, sama tayo dito, inom tayo diyan, kain tayo dito.’ So, ’yun. ’Yun ang istorya.”
At natatawang pako-conclude pa ni Dominic, “And the rest is history.”
Hindi pinangalanan kung sino ang naging past relationship o ex-girlfriend ni Dominic. Pero ayon kay Gabbi, sobrang saya raw nilang talaga para sa kaibigan ngayon dahil alam daw nilang marami itong nasakripisyo noong araw sa past relationship nito.
Sabi naman ng actor: “Marami rin kasing tao na hindi alam kung ano ang pinagdaanan ko sa past relationship ko, ‘di ba?
“So malaking blangko lang siya na inisip ng tao, wala akong ka-relasyon. Kasi, wala naman talaga silang makikita.”
Sinegundahan ito ni Gabbi na: “Wala talaga. Parang kami lang ang nakakaalam.”
“Mahirap din ’yon, ilang years din na gano’n,” sabi naman ni Dominic.
Makahulugan ang naging palitan na iyon nina Dominic at Gabbi na may kinalaman sa nakaraang relasyon ni Dominic bago si Bea.
Lalo na nang tanungin ni Gabbi kung ang present status niya ay sort of declaration ng “ako naman?”
“Siguro kailangan na rin kasi, tumatanda na rin ako, e,” saad naman ni Dominic.
Was it worth it, tanong ni Gabbi.
“Sobrang worth it,” saad ni Dominic na ikinakilig ni Gabbi.
Tinanong naman ito ni Khalil kung ano raw ang future plans nito.
At dito, hindi lang future plans ang naikuwento niya kundi napa-look back pa si Dominic sa naging buhay niya.
“Sige, kuwento ko…2016/2017, ’yun ang time ng buhay ko rin na, ‘Shit, ano ba ang gusto kong gawin sa buhay ko? Ano ba ang gusto kong gawin?’
“Gusto ko bang mag-hosting kasi, nag-u-Umagang Kay Ganda ako no’n. Tapos inisip ko rin no’n, gusto ko pa bang umarte? Do’n ba ko magaling or gusto ko bang maging photographer? P’wede ba ’kong maging photographer? Kasi sobrang hilig ko sa camera?”
Twenty-six or Twenty-seven years old daw siya noong mga panahon na ’yun na tinawag na rin niyang quarter-life crisis.
“Kasi tumatanda ka na, ‘Ano ang gagawin ko sa buhay ko?’ S’yempre, with the help of your friends, nag-support sa‘yo, nakaka-usap mo, malaking tulong ’yun na may nakakausap ka.
“So, noong time na ’yon, kinausap ko si Mark [Nicdao]. Sabi ko, ‘Mark, hindi ko alam ang gagawin sa buhay ko.’ E, palagi kaming magka-usap ni Mark. Kinakausap ko siya. Sabi ko, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko sa buhay ko, kung ano ang gusto kong i-pursue, kung saan ako magaling. Kasi, wala pa naman akong napapatunayan sa lahat ng ginagawa ko, e.
“So, do’n ako nag-aral ng photography, pero marunong akong kumuha [ng photos].”
“Feeling mo, Jack of all trades ka, master of none?” singit ni Gabbi.
“Oo, noong time na ’yon,” pang-sang-ayon naman ni Dominic. “Kapag tumatanda ka, gusto mo na may ginagawa kang dire-diretso.
“So, ‘yun na lang ako, more on content creator. So, siguro hanggang doon na lang ako. Hindi sa kino-close ko ang door ko sa acting, pero siguro kapag nakalatag na ‘ko sa mga dapat kong gawin, lalo na do’n sa mga business, baka soon, p’wede na rin akong mag-pelikula and depende sa opportunity.”
Pero sa ngayon, ang focus niya raw ay ang kumpanya niya nga na tinawag niyang “Black Peak.”
Nabanggit din niya na, “Lahat ng nangyari sa akin in the past, ‘Thank you Lord kasi, naranasan ko siya.’ ’Yung journey na ’yun, talagang iki-keep mo na kung wala itong mga nangyaring ito, hindi ako mabubuo ngayon na ‘eto ako.’
“Kasi malalaman mo na eto ’yung naranasan mo dati, meron pa palang iba. Parang gano’n.”
YOU MAY ALSO LIKE:
Dominic Roque, ipinakilala na si Bea Alonzo sa mga kamag-anak sa California?
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
0 comentários :
Post a Comment