Aminado si Sylvia Sanchez na sobrang napi-pressure siya sa pagkakapanalo niya bilang Best Actress in a Supporting Role sa The Asian Academy Creative Awards (national) kamakailan.
Ito ay dahil sa portrayal niya sa karakter niyang Barang para sa drama series na Huwag Kang Mangamba (HKM).
Automatic kasi na siya na ang representante ng Pilipinas para sa AACA regional awards na gaganapin sa Singapore sa Disyembre 2 and 3.
Kabilang din sa naparangalan HKM co-actor niyang si Nonie Buencamino na para sa Best Actor in a Supporting role naman.
Inamin ito ni Sylvia sa ginanap na #TheHealing finale media conference ng Huwag Kang Mangamba nitong Lunes ng gabi, October 25, via zoom.
“Sobrang wow!” excited na bungad niya. “After ng lahat ng hirap ko kay Barang sulit lahat ng pagod at pasalamat ako kasi lahat ng co-actors ko rito magagaling din kaya nakakapag-react ako an ganu’n. Honestly, hindi ko inaasahan ‘yun.
“Napi-pressure ako sa Asian Academy kasi mayroon mga nagsasabi sa akin—kasi last year nanalo si Arjo (Atayde), first Filipino actor na nanalo diyan— ‘This time, ikaw na. Nanay lalaban. sana makuha mo.’
“Sabi ko, sana makuha di ba? Sino ba namang may ayaw. So, ’yun ang kaba ko, paano kung hindi ko makuha? Kasi may expectation na ganu’n kasi last year dyunakis, ngayon nanay. Na-stress ako, pero magandang stress ’yun,” nakangiting kuwento ng aktres.
Napanalunan ni Arjo ang Best Actor in a Leading Role award sa 3rd Asian Academy Creative Awards 2020 para sa drama series na Bagman na handog ng iWant at Dreamscape Entertainment at napanood sa iWantTV.
Ginampanan ng aktor ang karakter na Benjo Malaya, isang barbero na naging bagman ng isang gobernador (played by Raymund Bagatsing). Kalaunan, ang bagman na ang pumalit na gubernador sa istorya.
Natalo ni Arjo ang mga kapwa nominadong aktor na kilala mula kani-kanilang bansa gaya ng China, Hong Kong, India, Malaysia, Singapore, Indonesia, Taiwan, South Korea, at Thailand.
Bukod sa Asian Academy Creative Awards ay nakamit din ng aktres ang Movie Actress of the Year sa katatapos lang na 36th Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards for Movies nitong Setyembre. Ito ay para naman sa pelikula niyang Jesusa na ginawa niya noon pang 2019.
Hataw, in short. But among her awards, meron ba siyang paborito o mas tinatangi?
“Lahat ’yun mahalaga sa akin kasi napapansin ka ng mga kritiko ang iba’t ibang award giving bodies.
“May mga nagsasabing bale wala ang awards… imposible ’yun dahil nakakatuwa ’yun sa amin bilang mga aktor. Kaya mahalaga at importante sa akin ang mga ’yon.
“Kaya bawa’t gawa ko rin naman ng teleserye… actually, hindi ako nag-e-expect ng awards pero nangyayari parati nagkaka-award ako kaya pasalamat ako siguro kasi nagagampanan ko ng mabuti ’yung role ko para sa kanila. Nakakatuwa pa rin ’yun until now,” pahayag ng tinaguriang Ibyang sa showbiz.
Samantala, isa pang ikinape-pressure at ikinakakaba ng aktres ngayon ay ang pagkandidato ng anak niyang si Arjo sa pagka-congressman sa unang distrito ng Quezon City. Aniya, matindi rin niya itong tinututukan bilang suporta.
“Kabado ako s’yempre diyan kasi anak ko ’yun at alam nating magulo ang politika,” lahad niya. “Pero wala akong magawa, e, gusto ng anak ko. So, nirerespeto ko ’yung gusto niya. Actually, kung ako ang tatanungin, ayoko! Alam ng anak ko ’yun at alam ni Enchong [Dee] ’yun.
“Nag-uusap kami ni Enchong diyan,” patukoy niya sa aktor na malapit sa kanilang pamilya. “Na ayaw ko pero gaya nga ng sabi ko, anak ko yan kaya wala akong magawa kundi suportahan ang anak ko. Iga-guide ko na lang nang mabuti ang anak ko para hindi naman maligaw.
“Pag pinalad, pinagkatiwalaan ng mga tao [at] naka-puwesto, iga-guide naming mag-asawa para hindi masusulsulan, hindi maliligaw at iyon ang ipinapangako naming mag-asawa. Suporta 1000%,” pagtatapat ng supportive mommy ng aktor.
At isa pa sa dahilan kung bakit pumayag na rin si Sylvia sa gusto ng panganay nila ni Art Atayde ay dahil binanggit nitong isa sa plataporma niya ay ang pagsulong ng franchise renewal ng home network nilang ABS-CBN.
“Yes, isa ‘yan! Actually, tinanong ko si Arjo…high school palang siya nagsasabi na siya na ‘Gusto kong manungkulan, mommy, gusto kong tumulong.’
“Sabi ko, ‘Makakatulong ka naman kahit wala ka sa puwesto.’
“Sagot niya, ‘Mas makakatulong ako, mommy, pag nasa puwesto ako.’ ’Yun ang totoo. Tapos tahimik na siya. Okey na siya sa ganu’n.”
Tila na-rekindle nga raw ang desire ng kanyang anak na manungkulan nang magsara ang ABS-CBN. Nakita raw nito kung gaano kabigat ang impact nito sa maraming tao. At kung isa umano siya sa p’wedeng maging daan para muling mabigyan ng prangkisa ang Kapamilya network, ang kikilos umano ito.
“Hanggang sa nagsara ang ABS. ’Yun talaga ’yung pinaka nalungkot siya. Nagalit siya sa nangyari sa lahat ng Kapamilya, sa mga kaibigan sa loob, sa mga pamilya na natanggalan ng trabaho. Tapos pandemic pa.
“’Yun talaga ’yung isa sa pinaka-rason din niya. Magandang rason din kasi sabi niya, ‘Ma, ang daming naghihirap, ang daming kawawang Kapamilya. Gusto ko lang silang tulungan.’ Alam mo ’yung ganu’n?
“Normal na may maghihirap talaga pero sana walang maghirap sa gitna ng pandemya, sa gitna ng COVID na nakikita niya lahat. Kaya pursigido siya na tumakbo. Yes, because of ABS [CBN] kaya tatakbo si Arjo. Isa ’yan sa reasons,” kuwento ng aktres.
Samantala, ang huling tatlong linggo ng Kapamilya inspirational series na Huwag Kang Mangamba ay mapapanood pa rin sa Kapamilya Channel, TV5, Kapamilya Online Live, iWantTFC, TFC, WeTV, at iflix.
FOLLOW US ONLINE:
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz
TikTok: https://vt.tiktok.com/ZGJBapkV4/
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber
ABS-CBN franchise renewal, isa sa pakay ni Arjo Atayde sa pagtakbo bilang kongresista
Source: Pinoy Ako News
0 comentários :
Post a Comment