Tutoong Buhay ng mga Sikat #4: Hilda Koronel

After Dra. Vicki Belo, makisilip naman tayo sa makulay na buhay premyadong aktres na nagtataglay ng isa sa pinaka-magandang mukha sa showbiz—si Ms. Hilda Koronel.

Once again, here’s our resident film critic and biographist—Butch Francisco—to give you a glimpse sa mga naging ups and downs sa buhay ng nag-iisang Hilda Koronel.

“Ang unang hinahanap sa isang artista – dapat maganda. Bonus na lang kung magaling umarte. Pero iilan lamang ang may ganitong package. At kasama dyan ang mahusay na aktres na si Hilda Koronel na may angking klasikong kagandahan.

Sa episode na ito, alamin natin ang buhay ni Hilda Koronel na walang katulad sa industriya ng Philippine entertainment.

Dahil on and off ang kanyang career, wala pang singkwenta ang nagawang pelikula ni Hilda. Pero marami siyang nagampanang iba’t ibang roles. Ang pinakamalapit marahil sa kanyang tutoong buhay ay ang kanyang karakter sa Hellow Soldier, isang episode sa trilogy na Tatlo, Dalawa, Isa ni Lino Brocka .

Gina ang pangalan niya sa kuwento – isang GI baby at anak ng lasengga. S’yempre, hindi naman lasenggera ang nanay niya sa tunay na buhay. Pero si Hilda ay anak ng isang kanong sundalo sa Clark – si David Reid. Ang nanay niya ay si Marina Higum.

Isinilang si Hilda sa Angeles nung Jan. 17, 1957. Ang ibinigay na pangalan sa kanya ay Susan. She was such a beautiful child kaya sa edad siyete, isinasali na siya sa mga beauty contest na pambata. Dahil malaking bulas, kahit onse pa lang ay sumali na siya sa Miss Night Owl. 

Ang Night Owl ay isang sikat na sikat na variety show nung late 1960s. Hindi siya pinalad du’n at ang nanalo ay si Jessica Pica na nag-artista din.

Sa murang edad ay kinailangan nang kumayod si Hilda dahil mahirap ang buhay nila. At di niya ikinahiya yun. Sabi nga niya: ‘Saan ba naman kami nanggaling? Eh squatter lang naman kami.’ Ang tinutukoy niya ay ang squatters area sa magulong lugar ng Leveriza sa Pasay. 

Ang pag-aartista ang nagsalba sa kanyang pamilya.  

Lea Productions ang nag-build-up kay Hilda. Pinasok pa nga siya sa finishing school ng kanyang mother studio. Kaya lang, sa bandang huli ay nagkasira sila ng may-ari ng kumpanya. Nagkasumbatan. Ang hinanakit ni Hilda – ultimo tissue paper na ginamit niya ay kinaltas daw sa suweldo niya.

Kahit wala na sa Lea si Hilda ay sumikat pa din siya. Sa sobrang famous, may mga lumabas pa ngang tsismis na nag-link sa kanya kay Marcos. Fourteen [years old] pa lang siya nun. Ang kuwento, sapilitan siyang dinala sa Malacañang at binigyan ng pampatulog.

Dumating sa kaalaman ni Hilda ang kuwentong ito, pero dahil di naman tutoo, e, di dedma. Malabo daw mangyari yun dahil paborito pa nga daw siyang kuning modelo ni Imelda Marcos na nuon ay laging nagtatanghal ng fashion show na ang tawag ay Bagong Anyo.

Habang nag-aartista, ipinagpatuloy ni Hilda ang pag-aaral. Natapos niya ang high school sa MLQ. Sa kolehiyo, nag-major siya sa international studies sa Maryknoll na ngayon ay Miriam College. Kaya daw dusa siya nang ginagawa niya ang Insiang kasi school sa umaga. Tapos shooting sa hapon hanggang gabi ang schedule niya. Pero sulit naman ang paghihirap niya sa Insiang dahil ito ay naging iconic na pelikula.

Ang Insiang ay dinala sa Cannes Film Festival. Pinagkaguluhan siya dun ng international press. Mga 1978 yun at TV superstar si Farrah Fawcett dahil sa Charlie’s Angels. Pero, huwag ka. Nung lumabas sa diyaryo ang mga larawan nila, di hamak na mas malaki ang picture ni Hilda. 

Ang sabi nga daw ni Farrah: ‘Find me that woman so I can beat her up.’ S’yempre, joke lang yun. 

Kahit naging sensation siya sa Cannes Filmfest, hindi naging mahilig si Hilda  sa glamour side ng showbiz. Ni hindi nga siya mahilig gumawa ng gimmick para pag-usapan. 

Pero huwag mong kakantiin. Minsan ay na-involve siya sa isang love triangle. Ang partner niyang duktor ay na-involve sa isang duktora na respetado sa medical circle. Kabi-kabila ang ginawa niyang interview para i-denounce ang affair ng dalawa.

Ang matindi ay pumasok siya sa klinika nung duktor na partner niya sa gitna ng gabi at sinira lahat ng kagamitan – sabay punit ng mga diploma. 

Mabait naman si Hilda. Kapag nakuha mo ang trust niya, friends na kayo. Wala din siyang astang artista. Kapag tinawag mo nga siyang Hilda, hindi agad siya lilingon. Nakakalimutan kasi niyang siya pala yun dahil Susan ang gusto niyang tawag sa kanya. Sa likod ng kamera, taong-tao siya talaga.

Kaya nga enjoy na enjoy siya sa buhay Amerika kung saan kasama niya ang kabiyak niyang Fil-Am na si Ralph Moore. Marami ding naka-relasyon si Hilda. Ang una niyang naging asawa ay si Jay Ilagan nung mga bata pa sila. Marami din siyang naging mga anak, pero hindi lahat ay biological kids niya.

Sa tutoo lang, sana ay bumalik na si Hilda sa Pilipinas dahil kailangang kailangan ng industriya ang isang artistang tulad niya. Siya yung tinatawag na thinking artist.

Napatunayan ito nung ginagawa niya ang Babangon Ako’t Dudurugin Kita. Nang magsimula ang shooting, siya talaga ang bida. Ang kontrabida niya at umaapi sa kanya ay si Dawn Zulueta. Habang umaandar ang shooting, na-realize niya na mahirap paniwalain ang mga manonood na kaya siyang maltratuhin ni Dawn na ang bata-bata at payat na payat.

Ang nangyari, bumaba siya sa supporting role na kontrabida at ipinasok si Sharon Cuneta bilang bida na inaapi. Bumagay sa wakas ang casting at naging blockbuster hit ang Babangon Ako’t Dudurugin Kita.

Kahit komiks ay mataas ang kalidad ng Babangon. Ang tutoo, sa husay na aktres ni Hilda, kahit mga commercial movies ay gumaganda at tumataas ang antas dahil sa kanyang performance.

Pero ito ang nakakagulat. Kahit isa siya sa pinakamagaling na aktres sa Pilipinas, lilima lang ang acting trophies niya – di tulad nina Nora Aunor at Vilma Santos na dose-dosena ang mga acting statuettes. Eh halos pare-pareho naman sila ng kalibre. 

Hindi kayo naniniwalang lima lang ang tropeo ni Hilda? Sige magbilang tayo.

Una, ang FAMAS best supporting actress para sa Santiago. Pangalawa, ang Citizens’ Award for Television o CAT Awards for best actress sa TV series na Hilda. Pangatlo, ang Metro Manila Film Festival best actress para sa Insiang. Pang-apat, ang Urian best supporting actress para sa Nasaan Ka Man. At panglima, ang Luna best supporting actress para The Mistress. 

Pero huwag nating kalimutan that Hilda became an important artist in the industry HINDI dahil sa mga napanalunan niyang awards. Siya ay naging mahalagang alagad ng sining dahil marami sa kanyang mga pelikula ay maituturing na malalaking obra sa kasaysayan ng Philippine cinema.

Kasama na dyan ang Tinimbang Ka Ngunit Kulang, Maynila sa mga Kuko ng Liwanag, Sakada, Kung Mangarap Ka’t Magising at s’yempre, ang Insiang.

Kaya nararapat lamang na bigyan natin ng halaga ang mga nai-ambag ni Hilda Koronel sa larangan ng pelikula at telebisyon.”

MORE VIDEOS:

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #1: Joey de Leon

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #2: Gloria Romero

TUTOONG BUHAY NG MGA SIKAT #3: Dra.Vicki Belo

This is Showbiz #39: Kylie Verzosa on beauty pageantry, depression, Jake Cuenca, and first starring role

This is Showbiz #40: “Crossover Queen” Glaiza de Castro at ang bunga ng kanyang mga pagsisikap

FOLLOW US ONLINE: 
Facebook: facebook.com/pikapikashowbiz
Twitter: twitter.com/pikapikaph
Instagram: instagram.com/pikapikaph/
YouTube: youtube.com/pikapikashowbiz

Tiktok: https://www.tiktok.com/@pikapikashowbiz
and join our Viber Community: tinyurl.com/PikaViber



Tutoong Buhay ng mga Sikat #4: Hilda Koronel
Source: Pinoy Ako News

About admin

This is a short description in the author block about the author. You edit it by entering text in the "Biographical Info" field in the user admin panel.

0 comentários :

Post a Comment